Showing posts with label Recipe. Show all posts
Showing posts with label Recipe. Show all posts

10/15/11

Bicol Express to the MAX!



Hindi pa ko nakakarating sa Bicol. Pero bakit ang dami kong paboritong pagkain na galing o gawa sa Bicol. Mahilig ako sa Pili nuts, lalo na pag nakalagay pa sa shell at ako pa yung mag bubukas. Mas may challenge mas masarap.


Paborito ko rin ang laing, minsan nga ay pinapalaman ko pa to sa pandesal at mas ginaganahan pa ako kapag ako mismo ang nag kudkod at nagpiga ng niyog.


Nakakain narin ako ng pansit bato, sabayan pa ng dinuguan, ang sarap!

At syempre ang pinaka paborito ko at nagpapainit ng araw ko..ang Bicol Express to the max!

SANGKAP:

1 kilo Liempo (Ihiwalay ang taba at balat at hiwain na pa cubes)
1 Malaking Sibuyas na Puti (chopped)
2 Niyog (2 tasa ng kakang gata at 4 na tasa ng ikalawang piga)
1/4 na kilo ng siling berde o siling pang sigang (chopped)
1 kutsarang siling labuyo (chopped)
1 kutsarang luya (crushed)
1 kutsarang bagoong alamang
1/2 kutsarang chicken powder
asin at paminta


PARAAN NG PAGLUTO:

Ilagay ang taba at balat ng baboy sa kawali. Hayaang maluto hanggang sa lumabas ang sariling mantika. Ibuhos ang luya at igisa. Ilagay ang sibuyas at siling berde. Haluin muli bago ibuhos ang liempo. Lagyan ng kaunting asin at paminta. Haluin at hayaan ng ilang minuto. Ibuhos ang 4 na tasa ng ikalawang gata. Ilagay ang chicken powder at ang bagoong alamang. Haluin muli at takpan. Pakuluin sa mahinang apoy ng 2 at kalahating oras. Ibuhos ang 2 tasang kakang gata at hayaang kumulo pa ng 30 minuto. Mapapansin na nagmantika na ang gata at halos lusaw na ang mga sili. Patayin ang apoy. Ihain kasabay ng mainit na kanin.

Sarap: 5/5 - Mapapasipol ka sa sarap.
Halaga: 3/5 - Kung mahal ang liempo, pwede ang pigue o tiyan.
Preparasyon: 4/5 - Mas masarap kung ikaw mismo ang pipiga ng kakang gata.

8/23/11

Pocherong Bulalo










Isang gabi, bigla ko nalang napagtanto na sa tagal pala ng pagsasama namin ni Grace ay isang beses pa lang niya akong pinagluto, at iyon ay noong girlfriend ko pa lang siya. Hindi ko makakalimutan ang putaheng iyon. Spaghetti espesyal..ala ketchup. Teknikali, may kulang o sobra sa timpla ng spaghetti niya. Pero personali, maniwala man siya o hindi iyon ang pinakamasarap na spaghetting natikman ko at hanggang ngayon inaasam ko parin na muling matitikman...



Noong nakatira pa kami sa bahay ng aking magulang sa bulacan, madalas niyang i-alibi na ayaw niyang magluto dahil nahihiya siya sa nanay ko at baka hindi masarap ang kalabasan nito. Pero ngayon na may sarili na kaming bahay dito sa laguna.... hmmmm..parang nakalimutan na nya ang pangako niya. Kaya hinamon ko siya isang gabi.



Lloyd: Bi, hanggang ngayon hinde mo pa ko pinagluluto. Hindi ba sabi mo pag tayo na lang sa bahay, ikaw na magluluto?


Grace: (natulala..nabigala...nagulat) Ah e..oo nga..o sige, ako magluluto bukas..ano ba gusto mong ulam?


Lloyd: Pochero...(ngiting parang kontrabida sa teleserye)


Grace: (Napalunok)


Lloyd: Baka...pocherong baka!


Grace: (Nanmilog ang mata) May ashuete ba yun?



Hindi ko rin natiis ang asawa ko. Kinabukasan, namili ako ng putahe at as uswal ako parin ang hari ng kusina. Sa susunod nga ay hindi na ako bibili ng sandok at kawaling kulay blue, para naman unisex na ang gamit sa kusina at pwede narin niyang gamitin in the future!



SANGKAP:


1/2 kilo Bulalo (baka)


1 pirasong mais (hiniwa na dalawang pulgada ang kapal)


1 pirasong kamote


3 pirasong saging na saba


5 dahon ng pechay baguio


10 pirasong baguio beans


1 sibuyas


2 pirasong bawang


1 kamatis


5 table spoon Tomato sauce


Patis


Asin at Paminta



PARAAN NG PAGLUTO:



Palambutin ang bulalo sa isang litro ng tubig kasama ang asin, paminta, at sibuyas. Sa unang kulo ay ihulog ang kamote. Hayaang kumulo hanggang lumambot ng 1 1/2 hanggang 2 oras. Hanguin ang kamote, durigin at lamasin. Muling ihalo sa bulalo. Isunod ihulog ang mais at hayaang kumulo ng 15 minuto pa bago patayin ang apoy.



Sa isang kawali, ipirito ang saging na saba sa kaunting mantika. Hintayin hanggang maging golden brown ang kulay at itabi. Igisa sa ang bawang at sibuyas. Ilagay ang bulalo, haluin ng marahan, huwag hayaang madurug ang laman. Timplahan ng patis, at paminta. Ibuhos ang tomato sauce at ang sabaw mula sa pinakuluang bulalo. Ilagay ang pechay at baguio beans. Pakuluin ng limang minuto. Patayin ang apoy at ihulog ang mais at ang saging na saba. Ihain kapartner ang patis, kalamansi at bagong saing na kanin.



Sarap: 5/5 - Sulit ang pagod, nanunuot ang sarap hanggang buto.


Halaga: 2/5 - Mahirap humanap ng bulalo na hindi bababa sa dalawang kilo.


Preparasyon: 4/5 - Hindi na kailangan ang achuete.

5/4/11

Sisig



Sa tuwing bubuksan ko ang menu ng kahit anong restaurant, siguradong napapa-order ako ng sisig pag meron nito. Swabe kasi ang sisig, bukod sa madaling kainin ay nakakatakam ang sarap.

Masarap ulamin sa kanin, ipalaman sa pandesal at gawing pulutan. Bagamat hindi ako umiinom, ilang platong sisig din naman ang kaya kong itaob.

MGA SANGKAP:

1/2 kilo Pork Mask (mukha/pisngi ng baboy)
100 grams Atay ng baboy o manok (durugin)
500 ml na mantika
1 pirasong Luya
5 pirasong siling haba na berde (hiniwa ng maliit)
2 kutsarang mayonaise
1 kutsarang kalamansi juice
1 kutsarang liquid seasoning
5 pirasong bawang (dinikdik)
2-3 pirasong sibuyas
2 itlog
Asin at paminta



PARAAN NG PAGLUTO:

Hugasan ang pork mask at hiwain ng katamtamang laki. Ilagay sa pressure cooker o kaserola at pakuluan hanggang lumambot kasama ang hiniwang luya, asin at paminta. (Mas mabuti kung may pressure cooker upang madali itong mapalambot). Kung gagamit ng pressure cooker, pakuluan ang baboy ng 15 to 20 mins. Kung wala naman ay maari itong pakuluan ng 40 mins to 1 hour hanggang maging malambot ng husto. Hanguin at palamigin. Kapag malamig na, ilagay sa plastik at ipasok sa freezer ng 1 hanggang 2 oras. Maari din itong i-freezer ng magdamag kung may panahon. Magpakulo ng mantika sa kawali na ang dami ay sapat upang lubog ang baboy pag pinirito. Mula sa freezer ay pirituhin ang baboy (Ang epekto ng sobrang lamig (frozen) na baboy na biglang inihulog sa kumukulong mantika ang magbibigay ng labis na lutong sa baboy na parang chicharon.) Siguraduhing takpan agad ang kawali upang maiwasang matalsikan ng mainit na mantika. Sa oras na humina na ang ingay mula sa pinipirito (3 hanggang 5 minuto), ay maari nang hanguin ang baboy. Muli itong palamigin (room temp), at tadtarin.

Sa isang maliit na kawali, ay maglagay ng mantika, at gisahin ang bawang. Hintayin maging golden brown saka ihulog ang dinurog na atay at ibuhos ang kalamansi juice, konting asin at paminta. Hayaang maluto ng kaunti ang atay ng mga 3 hanggang 5 minuto. Ihulog ang baboy, kasunod ng sili, at sibuyas bago haluin. Isunod ang mayonaise at ang liquid seasoning. Haluin muli hanggang magsama-sama ang lahat ng sangkap. Ilagay sa sizzling plate (kung meron) at lagyan ng itlog o direktang ihain sa kawali matapos mailagay ang itlog. Ihain na may sawsawang toyo, kalamasi at sili.

Sarap: 5/5 -Swabeng sarap.
Halaga: 4/5 - May pagkakataon na mahirap humanap ng pork mask.
Preparasyon: 2/5 - Mag-ingat sa tilamsik ng mantika.



4/26/11

Laing Gising




Mahirap magpigil ng antok. Marahil ay maka ilang beses narin akong lumampas sa pupuntahan dahil sa pagkakatulog sa sinasakyang jeep o bus. Ang isa pa sa matinding karanasan ko ay nang minsang sumakay ako ng bus sa terminal sa Bulacan papuntang Monumento. Dahil sa sobrang antok, pagkalapat pa lang ng puwet ko sa upuan ay sumabay na ang bagsak ng mga mata ko. Mahaba-haba rin ang tinakbo ng panaginip ko, at makalipas ang ilang sandali ay naramdaman kong may yumuyugyog sa akin. Pupungas-pungas kong binuksan ang mata, at sa harap ko ay ang kundoktor. "Boss, Bulacan na tayo!" Kala ko ay nananaginip lang ako...pero ng tingnan ko ang paligid ay ang terminal nga sa Bulacan nga ang kinaroroonan ng bus.




"Putcha! nag round trip ako!!!!?"




Gusto pa nga akong singilin ng dobleng pamasahe ng kunduktor, na lalo kong kinainis!

Katumbas marahil ng antok ko noon ang antok na dinanas ng mga magbubuko sa baba. Minsan ko silang nakasabay sa daan habang binabaybay ko ang kahabaan ng Tagaytay Road. Eto at ginawa na nilang malambot na kama ang nakasalansang bunga ng buko. Isang buko lang ang kumalas sa pagkakasalansan ay sigurado akong kasabay na silang gugulong nito sa daan.






Bilang tribute sa mga pagod at hapong masisispag na magbubuko ay gusto kong i-alay sa kanila ang nakakagising na putaheng ito. Ang paborito kong Laing Gising! Sigurado akong sa sarap, anghang at linamnam ay tanggal ang antok mo!


MGA SANGKAP

15-20 piraso ng pinatuyong dahon at tangkay ng gabi
2 Niyog, ginadgad at inipon ang gata
1 Buko (mala-uhog), kunin ang sabaw at laman
1/4 kilo ng Liempo (hiniwa ng manipis)
4 pirasong Tinapa (hinimay)
8 pirasong siling (berde) haba na hiniwa ng maliit (Kung hindi masyadong mahilig sa maanghang ay maaring alisin ang buto nito bago hiwain)
1 malaking sibuyas (hiniwa)
1 Luya (hiniwa ng pahaba)
Paminta at Asin

PARAAN NG PAGLUTO


Sa isang kaserola ay pagsama-samahin ang sibuyas, luya, sili at baboy. Lagyan ng konting asin at paminta at ibuhos ang sabaw ng buko. Hayaang kumulo ng limang minuto sa mahinang apoy. Ihulog ang tuyong dahon at tangkay ng gabi na piniraso. At ibuhos sa ibabaw ang hinimay na tinapa. Hayaan muling kumulo ng lima hanggang sampung minuto na hindi hinahalo (siguraduhing hindi natutuyo ang sabaw). Ibuhos ang gata at muling hayaang kumulo hanggang sa lumapot ng kaunti ang sabaw at lumabas ang langis nito. Panatiliing mahina ang apoy upang hindi masunog. Muling lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa. Ihain kasama ang mainit na kanin.

Sarap: 4/5 – Nakakagising ang anghang na may linamnam


Halaga: 3/5 – May mga panahong mahal ang niyog.
Preparasyon: 3/5 – Sana ay laging may gabi sa palengke.

3/20/11

PA-tok CANTON


Nang mag-grocery kami noong nakaraang linggo. Nagulat ako nang makakita ng limang Lucky Me Pancit Canton sa cart (assorted flavor pa!). Napatingin ako sa aking asawa at tumingin din siya sa akin at ngumiti..

“Maalat yan..puro MSG.”
“Eh, minsan lang naman…”
“Minsan? One Lucky me per day?”

Hindi ako mahilg sa instant pancit canton dahil sa tatlong dahilan;

Una, mataas ang MSG content nito. Noong huling check-up nga sa akin ay lumabas na hindi na talaga ito nakakabuti sa katawan ko.

Pangalawa, walang challenge lutuin, para lang akong nagpapakulo ng tubig na mainit bago maligo. Mas nalilibang kasi akong magluto pag meroon pang hinihiwa.

Pangatlo, nasawa na ako dito. Noon kasing nag-aaral ako sa kolehiyo, at nakatira sa isang maliit na apartment sa Maynila ay ito ang almusal, tanghalian, meryenda, hapunan at midnight snack ko. Mura kasi at sapat para may matira pa sa baon. Na-addict pa nga dito ang isa kong kasama sa bahay. Kaya sa tuwing may christmas party kami at may exchange gift ay isang kahong pancit canton ang nasa wishlist nya. Natutupad naman iyon at nasunndan pa pati pag birthday nya. Noong nag-asawa at nagka-anak siya, ay pinangalanan niyang “Lucky” ang anak at ang nickname ay “Anton”…Ayos!

Pero kung Pancit Guisado ang pag-uuspan…Una sa listahan ko ang Pancit Canton. Mas malinamnam kasi at masarap kainin..

Kung sa bagay, sino ba naman ang hindi nasasarapan sa Canton!?

Heto ang isa sa recipe ng Pancit Canton na laging pumapatok.

Ito ang aking PA-tok CANTON.

MGA SANGKAP

½ kilo Pancit Canton
¼ kilo Manok (breast) – Pakuluan sa 1 litrong tubig ng 15 minuto at lagyang ng kaunting asin at paminta. Himayin ng pahaba.
*Itabi ang pinagpakuluan.
10 grams na hipon (tinaggal ang ulo, at binalatan)
*Dikdikin ang ulo, pigain, kunin ang katas at itabi
10 grams na atay ng baboy (hiniwang pahaba)
1 pirasong chorizo de bilbao na hiniwa ng pabilog at pinirito.
5 pirasong kikiam na hiniwang pahaba at pinirito
5 pirasong squid ball na hiniwa sa gitna at pinirito
½ cup Dried Shitake Mushroom binabad sa mainit na tubig at hiniwa ng manipis.
Repolyo (chopped)
Carrots (Hiniwa ng pahaba)
Brocolli
Sitsaro (snow peas)
Sibuyas na mura (spring onion)
150 ml or ¾ tasa ng Oster Sauce
Sibuyas
Bawang

PARAAN NG PAGLUTO

Mag-gisa ng bawang at sibuyas sa malaking kawali. Ihulog ang atay at maglagay ng kaunting asin at paminta. Hayaan maluto ng kaunti ang atay bago ilagay ang ibang sangkap. Ibuhos ang katas ng hipon at hayaang kumulo ng ilang minuto. Ibuhos ang manok , shitake mushroom at haluin. Mag hintay ng ilang minuto upang kumapit ang lasa, bago ihulog ang repolyo, carrots, sitsaro at brocolli. Ibuhos ang oyster sauce, haluin at takpan ng limang hanggang sampung minuto minuto. Hanguin at itabi pero iwan sa kawali ang sabaw. Ibuhos pa ang pinagpakuluan ng manok at hayaang kumulong muli. Ilagay ang pancit canton at patuloy na haluin hanggang sa maluto. Ibuhos ang nilutong sangkap kasama na ang choriso de bilbao, kikiam, squid ball at haluin muli. Tikman at lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa Ibudbod sa ibabaw ang hiniwang sibuyas na mura. Ihain kasama ang mainit na pandesal.


Sarap: 5/5 – Eto ang Canton na hindi malilimutan.
Halaga: 2/5 – Pang piyesta opisyal
Preparasyon: 2/5 – Hihingalin pagkatapos.

3/7/11

A.S.I. (Adobo Systems Inc.)


Paborito ko ang adobo. Isa kasi ito sa pinaka simple putahe na walang kaparis sa sarap. Hindi ko ipagpapalit ang adobong pinoy sa adobado ng Mexico na minsan ko nang natikman. Adobo nang nanay ko ang klasikong paraan na pagluluto ng adobo na alam ko. Simple lang kasi ito, pagsasama-samahin lang ang lahat ng sangkap, at lulutuin sa mahinang apoy hanggang sa lumambot at kumatas ang langis mula sa karne, mapa manok o baboy man. Resulta? 100% purong sarap! Ang siguradong hahanap-hanapin mo..

Sampung taon pa lang ako noong una kong subukan na magluto ng adobo. Sobrang alat, sobrang asim, sobrang tamis na sinamahan pa nang pait ng maitim na karne dahil sa pagkasunog. Hmmm..hindi na masama sa sampung taon na dapat ay jolens at text pa lang ang hinahawakan.

Maaga akong namulat sa kusina. Naging panuntunan kasi sa aming bahay ang “division of labor”. Hindi ko naman masasabing abuso iyon,dahil kusang loob naman naming ginagawa nang may ngiti ang bawat trabaho. Kaya’t kung sino man ang mga nangutya sa akin noon at ngayon na napabayaan ako sa kusina..hindi ako apektado! Totoo kasi...

Mula noong sampung taon ako hanggang ngayon ay hindi tumigil ang kagustuhan kong makapagluto ng adobo na hinahanap ng panlasa ko. Hango sa ibat-ibang teknik, mula sa ibat-ibang paraan nang pagluluto nito at nakagawa ako nang sariling bersyon. Sakto sa alat, asim at tamis. Sakto sa sawi sa pag-ibig, may bagong pag-ibig at matagal nang umiibig. Pwede sa tag-araw o tag-ulan. Pwedeng pang araw-araw at hindi pagsasawaan..

Ganito katindi ang buid-up ko, para lang maniwala kayong MARUNONG AKONG MAGLUTO!!!!

Mga Sangkap:
1 kilong baboy (liempo)
Sampung butil ng bawang
Kalahating Tasang Toyo
Kalahating Tasang Suka
Dalawang kutsarang oyster sauce
Dalawang kutsarang Asukal na pula
Isang kutsaritang pamintang buo
isang dahon ng Laurel
Kalahating tasa ng tubig.

Paraan ng Pagluluto:

Sa isang kaldero ay ilagay ang baboy, isang butil ng dinikdik na bawang,laurel,pamintang buo,asukal,toyo,oyster sauce at tubig. Haluin mabuti hanga maging pantay ang kulay ng karne. Ibuhos ang suka (pagkabuhos ng suka ay sadyang hindi ko ito hinahalo hanggang sa kumulo, sa paniniwalang mas nagiging pantay ang lasa nito kung kusa itong manunoot sa karne. Wala naman masama kung maniwala sa kasabihan ng matatanda..) Isalang sa mahinang apoy at hayaang kumulo bago haluin. Tatagal nang halos apat-napung minuto bago patayin ang apoy. Siguraduhing hinahalo paminsan minsan upang hindi masunog o manikit ang laman.

Habang pinapalambot ang karne, kumuha ng kawali at lagyan ng isang tasang mantika. Ihulog ang dinikdik na natirang bawang at lutuin hanggang maging malutong light golden brown. Wag hayaang masunog ang bawang. Itabi ang kawali at mantika na pinag lutuan ng bawang.

Hanguin ang karne matapos itong mapalambot at ibukod ang pinagpakuluan. Isalang muli ang pinagpakuluan hanggang sa mag reduce ng kaunti , ito ang magsisilbing sarsa ng adobo. . Muling initin ang mantika na pinaglutuan ng bawang, dito ay ipipirito ang karne hanggang maging golden brown at mag karamel ng kaunti. Hanguin at i-drain ang mantika.

Muling ibalik ang karne sa sarsa nito at ibudbod ang tinustang bawang. Ihain kasama ng mainit na kanin.

Sarap: 5/5 - Extra Super Sarap
Halaga: 5/5 - Kayang-kaya ng minimum wages
Preparasyon: 3/5 - Tagaktak ng konti ang pawis