10/15/11

Bicol Express to the MAX!



Hindi pa ko nakakarating sa Bicol. Pero bakit ang dami kong paboritong pagkain na galing o gawa sa Bicol. Mahilig ako sa Pili nuts, lalo na pag nakalagay pa sa shell at ako pa yung mag bubukas. Mas may challenge mas masarap.


Paborito ko rin ang laing, minsan nga ay pinapalaman ko pa to sa pandesal at mas ginaganahan pa ako kapag ako mismo ang nag kudkod at nagpiga ng niyog.


Nakakain narin ako ng pansit bato, sabayan pa ng dinuguan, ang sarap!

At syempre ang pinaka paborito ko at nagpapainit ng araw ko..ang Bicol Express to the max!

SANGKAP:

1 kilo Liempo (Ihiwalay ang taba at balat at hiwain na pa cubes)
1 Malaking Sibuyas na Puti (chopped)
2 Niyog (2 tasa ng kakang gata at 4 na tasa ng ikalawang piga)
1/4 na kilo ng siling berde o siling pang sigang (chopped)
1 kutsarang siling labuyo (chopped)
1 kutsarang luya (crushed)
1 kutsarang bagoong alamang
1/2 kutsarang chicken powder
asin at paminta


PARAAN NG PAGLUTO:

Ilagay ang taba at balat ng baboy sa kawali. Hayaang maluto hanggang sa lumabas ang sariling mantika. Ibuhos ang luya at igisa. Ilagay ang sibuyas at siling berde. Haluin muli bago ibuhos ang liempo. Lagyan ng kaunting asin at paminta. Haluin at hayaan ng ilang minuto. Ibuhos ang 4 na tasa ng ikalawang gata. Ilagay ang chicken powder at ang bagoong alamang. Haluin muli at takpan. Pakuluin sa mahinang apoy ng 2 at kalahating oras. Ibuhos ang 2 tasang kakang gata at hayaang kumulo pa ng 30 minuto. Mapapansin na nagmantika na ang gata at halos lusaw na ang mga sili. Patayin ang apoy. Ihain kasabay ng mainit na kanin.

Sarap: 5/5 - Mapapasipol ka sa sarap.
Halaga: 3/5 - Kung mahal ang liempo, pwede ang pigue o tiyan.
Preparasyon: 4/5 - Mas masarap kung ikaw mismo ang pipiga ng kakang gata.

3 comments:

marxtermind said...

Na-miss ko bigla ang laing! Mas masarap kasi ang lutong bahay. Gusto ko din ng bicol express lalo na pag mas madami ang sili kesa sa pork. Hehehe! :)

Lloyd said...

Gusto ko talaga ng pagkain may gata. Nakatikim narin ako ng Bicol express na puro sili. Pero mahina tolerance ko sa anghang. Kaya nilulusaw ko talaga ang sili, para swabe lang.

rence said...

kuya...ang anghang naman!