6/18/11

Si Jose, Ako at si Crisostomo

Si Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda (Hunyo 19, 1861–Disyembre 30, 1896) ay ang pampito sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Ipinanganak si José Rizal sa Calamba, Laguna. Sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad ang kanyang mga kapatid.

Si Lloyd Sese y Rivera (Hunyo 19, 19SECRET - Humihinga pa hanggang sa kasalukuyan) ay ang pang apat at bunso sa apat na anak ng mag-asawang Mario Sese y Lagman at ng asawa nitong si Genoveva Rivera y Estrella. Ipinanganak si Lloyd Sese sa Guiguinto, Bulacan. Sina Levi, Rodel at Sheryll ang kanyang mga kapatid.

Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon, pinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila.

Ang ina ni Lloyd ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay limang taon na (slow learner). Noong siya naman ay tumuntong sa anim na taon, pinadala siya sa Balagtas,Bulacan upang mag-aral sa ilalim ng patnubay ni Mrs. Martin (hindi ko na tanda ang buo niyang pangalan). Ilang buwan ang nakalipas, sinabihan niya ang magulang ni Lloyd na sakit ito sa ulo dahil sa sobrang daldal.

Ang Ateneo Municipal de Manila ang unang paaralan sa Maynila na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Enero 1872. Ayon sa isang salin ng Noli me tangere ni Guzman atbp., sa kaniyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya ang lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralan ding ito niya natanggap ang kaniyang Batsilyer sa Sining na may notang sobresalyente kalakip ang pinakamataas na karangalan.

Ang La Consolacion sa Balagtas Bulacan ang unang paaralan na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Hunyo 19XX. Ayon sa isang salin ng kwento ng mga tsismosa sa Bulacan atbp., sa kanyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya lahat ang mga pangunahing medalya sa Loyalty award at best in writing noong kinder.

Nang sumunod na taon, siya ay kumuha ng Pilosopiya at Panitikan sa Pamantasan ng Santo Tomas. Sa Ateneo, kasabay niyang kinuha ang agham ng Pagsasaka. Pagkaraan, kinuha niya ang kursong panggagamot sa nasabing Pamantasan (Santo Tomas) pagkatapos mabatid na ang kaniyang ina ay tinubuan ng katarata. Noong Mayo 5, 1882, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga paring Kastila sa mga katutubong mag-aaral, nagtungo siya sa Espanya. Doo'y pumasok siya sa Universidad Central de Madrid, kung saan, sa ikalawang taon ay natapos niya ang karerang Medisina, bilang "sobresaliente" (napakahusay). Nang sumunod na taon, nakamit niya ang titulo sa Pilosopiya-at-Titik.

Nang sumunod na mga taon, siya ay kumuha ng Bachelor of Science in Electronics & Communication Engineering sa Adamson University. Sa labas ng paaralan kasabay niyang kinuha ang pag mamadyik at pagtambay sa bilyaran. Pagkaraan ay kumuha din siya ng kurso sa pag-arte pagkatapos mabatid na pangarap ng nanay niya ang magkaroon ng anak na sikat. Noong 2002, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga kakilala na hindi siya artistahin ay nagpasya siyang magtungao sa Laguna upang doon nalang magtrabaho. Doo'y pumasok siya sa Hitachi GST Philippines, kung saan, sa ikalawang araw pa lang ay naiwan na siya ng shuttle papasok sa opisina kaya nag lakad, nag jeep at naligaw. Nang sumunod na taon ay nakuha niya ang perfect attendance award dahil sa hindi pag-absent kahit walang ginagawa.

Naglakbay siya sa Pransya at nagpakadalubhasa sa paggamot ng sakit sa mata sa isang klinika roon. Pagkatapos ay tumungo siya sa Heidelberg, Alemanya, kung saan natamo pa ang isang titulo.
Sa taon din ng kaniyang pagtatapos ng Medisina, siya ay nag-aral ng wikang Ingles, bilang karagdagan sa mga wikang kaniya nang nalalaman gaya ng Pranses. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.

Naglakbay siya sa Singapore at nagpakadalubhasa sa pagpuna ng mali ng ibang kumpanya. Pagkatapos ay tumungo sa Batam, Indonesia, kung saan siya unang nakakita ng aquariun na maraming sumasayaw na hindi isda.

Marami pang pagkakapareho ang buhay namin ni Rizal, kasama na dito ang dami ng naging babae niya. Ay ako pala isa lang...si Grace lang.

Pero ang pinaka malaking pagkakapareho namin ay parehong Birthday namin ngayon.

Upang lubos kong madama ang kabayanihan ng idol ko. Pinili kong i-celebrate ang birthday ko sa isang restaurant sa Solenad Nuvali Sta. Rosa Laguna ang Crisostomo. Hango kay Crisostomo Ibarra o Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin na pagunahing tauhan sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere.




Bilib ako sa mga putaheng inihahain ng restaurant na ito. Bukod sa lahat ay pinoy na pinoy ay nakaka-aliw ang mga pangalan ng putahe na simisimbolo sa mga tauhan ng mga nobelang akda ni Rizal at ilan sa mahahalagang bahagi ng buhay niya.

Para sa inumin ay umorder ako ng Tamarind Ice Tea (Bottomless). Unang pagkakataon kong nakainom ng sampalok juice..akala ko kasi dati ay pangsigang lang ang sampalok. Pwede rin palang gawing pampalamig na totoo naman refreshing!


Si Grace naman ay umorder ng Calamansi with malunggay juice. Parang pagkainom mo nito ay sumabak ka na rin sa isang cleansing diet at makakahiyan mo nang kumain ng kolasterol.


KKK Barbeque. Pangalan pa lang ay parang may himagsikan ka nang sasabakan. Masarap at malasa. Pero sa halagang 185 (2 pcs.), parang pera ang napunit ko at hindi cedula.


Pinoy Paella. Mapapakanta ka na "Ako'y isang Pinoy sa pusot diwa..." sa sarap ng paellang ito. Hindi matapang ang lasa tulad ng kadalasang paella na nakain ko. May sahog na sugpo, liempo, manok at adobo flakes. Ito ang dahilan na naglasang pinoy ang paellang 'to. Sa halagang 350 ay pwedeng pagsaluhan ng 3 tao.




Halo-halo ni Crisostomo sa dessert. Malinamnam pero hindi matamis. Sa tantya ko ay ang gatas na ginamit dito ang nagpalinamnam ng lasa nito. Sa halagang 95 pesos, parang may piging na nagaganap sa loob ng bibig ko.







Nakakabusog balikan ang panahong halos 'sang siglo na ang nakalipas. Masarap palang damhin ang pagiging Filipino at ipag-sigawang dugong bayani ang nananalantay sa ugat ko kasabay ng isang makabuluhang dighay. Eto at halata naman sa tiyan...





Sarap: 4/5: Babalikan ko to sa araw ng kalayaan.
Lugar: 3/5: Mas patok kung mukhang piging ang ayos ng hapag.
Serbisyo: 5/5: Ang bilis dumating ng pagkain, hindi pa ko naiinip nasa harap ko na.
Halaga: 3/5: Sana may discount pag kabirthday at sing pogi ni Rizal
.

6/1/11

Huling Hirit!




Dumaan ang summer na halos hindi ko napansin. Ewan ko ba kung ano na ang nangyayari sa akin, wala akong gana maglalabas at masrelax ako sa bahay lang. Dati ay mahilig naman ako mag swimming, pero bakit ngayon ay parang nawala ang hilig ko dito. Kung kelan pa naman masmadali na sa akin ang maligo sa swimming pool ay saka pa ako tinatamaan ng katamaran. Mag-aanim na buwan na nga kaming nakalipat sa bago naming bahay, pero kahit isang beses ay hindi pa ako naligo sa swimming pool sa clubhouse nito. Sa tuwing iiyakan kami ni Gaby para mag swimming, si Grace ang inuutusan kong para samahang siyang lumusong, at ako ay masaya na na pinapanood sila. Eto na ba ang epekto ng middle age crisis? Ang pagkawala ng hilig..pati sa paliligo? Pero wala pa naman ako sa middle age ah!?


Kung ano naman ang kinatamad kong maligo ngayon, ay siya naman hilig dito ng aking anak. Grabe ang hilig nito sa tubig. Sa tuwing papaliguan sa batya ay ayaw na nitong tumayo. Pag binitbit mo upang pwersahing patigilin ay kakapit sa batya at hindi bibitiw, kailangan mo siyang buhatin kasama ang batya. Kapag naman dinala namin sa clubhouse para magswimming, siguradong may iyakang magaganap pag pina-ahon na ng mommy nya.


Ang mga pangyayaring ito ang nagbigay sa akin ng idea para pasayahin siya. Kahit patapos na ang tag-araw ay naisipan kong dalhin ang aking anak sa beach. Sa La Luz beach resort sa Laiya San Juan Batangas ang napili ko. Halos puno na ang lahat ng araw, kaya wala na kong ibang option kundi ang huling linggo ng Mayo.


Isang linggo bago ang itinakdang araw. Eto at nambuwisit pa si Chedeng! Katakot-takot na masasakit na salita ang inabot sa akin ng bagyong ito. Pero hind ako nagpasindak, tumakbo agad sa palengke at bumili ng isang tray ng itlog. Ito ang i-aalay ko sa altar upang lumihis ang bagyo. Noon ko napatunayan na totoo ang hiwaga bumabalot sa itlog!


Mula sa Nuvali ay tumakbo ako ng halos 130KM bago marating ang La luz. Kasama na dito ang ilang pagkaligaw. Mabuti na lamang at hindi naging kumplikado ang direksyon na nasa website at ito lamang ang aking naging gabay.


Maaliwalas ang panahon, maulap pero hindi umuulan. para sa akin, eto ang perpektong panahon para bumabad sa dagat. Pagpasok sa resort ay agad tumambad sa amin ang maalon na dagat. Nakita ko ang gulat sa mata ni Gaby ng makita ito. Sa tuwa nga ay pumalakpak siya at itinaas ang kamay. Ganito ang madalas niyang gawin sa tuwing na eexcite..








At eto ang kanyang paboritong jumpshot..konting praktis na lang anak at aangat na rin ang paa mo sa lupa...







Isang Junior Premier ang tinuluyan namin. Tama lang ang laki ng kwarto para sa aming tatlo. Ang mahalaga ay may maayos na kama, air-con, sariling banyo at ang hot and cold water. Wala lang TV and bawat room nila dito. Ayos lang, hindi naman ako nagbayad ng 2,800 per day para manood ng TV. Mas ginugol namin ang buong araw sa labas at sa dagat.

Ang resort na ito ay mukhang dinesenyo para sa isang kumportableng bakasyon kasama ang pamilya. Kapansin-pansin ang mga facilities na karamihan ay angkop sa mga nagbabakasyon na may kasamang bata. Sa dining area ay may sapat na bilang ng high chair para sa mga bata, hindi mo na rin kailangan bumili ng tubig dahil mayroong mga mineral water dispenser na may hot and cold water pa. Ang mga life jacket ay maari mo ring hiramin ng walang karagdagang bayad. Obligado ka lang na magbayad ng 1,100 pesos kada araw para sa apat na meal (buffet). Lunch, Meryenda, Dinner at Breakfast. Hindi na masama, dahil nangangahulugan lang ito na hindi mo na puproblemahin ang pagkain mo sa buong araw at gabi na pananatili dito.



Sa Lunch ay naabutan namin ang mushroom soup, menudo, inihaw na manok, chopseuy at ginataang tilapya. Ang dessert naman ay manggo salad.

Matapos ang mahabang byahe..pagod at gutom..hindi na siguro masamang maubos ko 'to...


Sa Meryenda ay Chicken Sandwich, puto, pritong saging at pansit habhab


.
Matapos ang mahabang byahe...pagod at gutom kanina..ay hindi parin siguro masama na maubos ko 'to...


Sa Hapunan ay Corn soup, Chicken Teriyaki, Tuna in mushroom soup, roasted pork at pasta. May dessert na pakwan at bico.




Matapos ang mahabang byahe..pagod at gutom na dama ko parin naman hanggang gabi ay hindi naman siguro masamang maubos ko ulit 'to....


Sa Breakfast ay Scramble egg, chessedog, pritong galunggong, tinapay, cereal at saging.



Matapos ang mahabang byahe..pagod at gutom kahapon..ay mauubos ko parin to...


Walang espesyal sa bawat putahe, pero sa halagang halos 275 per meal na buffet, At no worries...e panalo na 'to. Uupo ka na lang kasi at i-eenjoy ang malabundok na pagkain sa tabing dagat.


At sa huli..isang masaya ay hindi malilimutang bakasyon ang nagpasaya sa aming anak..


Iyon ang mas mahalaga sa akin..

.


Lugar: 4/5 - Malinis na dagat at malinis na paligid.

Halaga: 5/5 - Hindi kailangan magbayad ng mahal sa masayang bakasyon.

Serbisyo: 3/5 - Masigasig ang mga staff..minsan lang ay kailangan mo pang magtanong ng importanteng detalye.

Pagkain: 3/5 - Pwede na..busog naman.