8/23/11

Pocherong Bulalo










Isang gabi, bigla ko nalang napagtanto na sa tagal pala ng pagsasama namin ni Grace ay isang beses pa lang niya akong pinagluto, at iyon ay noong girlfriend ko pa lang siya. Hindi ko makakalimutan ang putaheng iyon. Spaghetti espesyal..ala ketchup. Teknikali, may kulang o sobra sa timpla ng spaghetti niya. Pero personali, maniwala man siya o hindi iyon ang pinakamasarap na spaghetting natikman ko at hanggang ngayon inaasam ko parin na muling matitikman...



Noong nakatira pa kami sa bahay ng aking magulang sa bulacan, madalas niyang i-alibi na ayaw niyang magluto dahil nahihiya siya sa nanay ko at baka hindi masarap ang kalabasan nito. Pero ngayon na may sarili na kaming bahay dito sa laguna.... hmmmm..parang nakalimutan na nya ang pangako niya. Kaya hinamon ko siya isang gabi.



Lloyd: Bi, hanggang ngayon hinde mo pa ko pinagluluto. Hindi ba sabi mo pag tayo na lang sa bahay, ikaw na magluluto?


Grace: (natulala..nabigala...nagulat) Ah e..oo nga..o sige, ako magluluto bukas..ano ba gusto mong ulam?


Lloyd: Pochero...(ngiting parang kontrabida sa teleserye)


Grace: (Napalunok)


Lloyd: Baka...pocherong baka!


Grace: (Nanmilog ang mata) May ashuete ba yun?



Hindi ko rin natiis ang asawa ko. Kinabukasan, namili ako ng putahe at as uswal ako parin ang hari ng kusina. Sa susunod nga ay hindi na ako bibili ng sandok at kawaling kulay blue, para naman unisex na ang gamit sa kusina at pwede narin niyang gamitin in the future!



SANGKAP:


1/2 kilo Bulalo (baka)


1 pirasong mais (hiniwa na dalawang pulgada ang kapal)


1 pirasong kamote


3 pirasong saging na saba


5 dahon ng pechay baguio


10 pirasong baguio beans


1 sibuyas


2 pirasong bawang


1 kamatis


5 table spoon Tomato sauce


Patis


Asin at Paminta



PARAAN NG PAGLUTO:



Palambutin ang bulalo sa isang litro ng tubig kasama ang asin, paminta, at sibuyas. Sa unang kulo ay ihulog ang kamote. Hayaang kumulo hanggang lumambot ng 1 1/2 hanggang 2 oras. Hanguin ang kamote, durigin at lamasin. Muling ihalo sa bulalo. Isunod ihulog ang mais at hayaang kumulo ng 15 minuto pa bago patayin ang apoy.



Sa isang kawali, ipirito ang saging na saba sa kaunting mantika. Hintayin hanggang maging golden brown ang kulay at itabi. Igisa sa ang bawang at sibuyas. Ilagay ang bulalo, haluin ng marahan, huwag hayaang madurug ang laman. Timplahan ng patis, at paminta. Ibuhos ang tomato sauce at ang sabaw mula sa pinakuluang bulalo. Ilagay ang pechay at baguio beans. Pakuluin ng limang minuto. Patayin ang apoy at ihulog ang mais at ang saging na saba. Ihain kapartner ang patis, kalamansi at bagong saing na kanin.



Sarap: 5/5 - Sulit ang pagod, nanunuot ang sarap hanggang buto.


Halaga: 2/5 - Mahirap humanap ng bulalo na hindi bababa sa dalawang kilo.


Preparasyon: 4/5 - Hindi na kailangan ang achuete.

8/13/11

Nakakabaliw

Ang nakaraang linggo na yata ang pinaka mahabang linggo na naranasan ko. Ganito pala ang pakiramdam pag may sakit ang pinakamamahal. Bawat sakit, hapdi at lungkot na nararamdaman niya ay pitong daang ulit ang katumbas sa puso ko. Bawat segundo, menuto at oras ay parang taon, dekada at siglo.

Nakakabaliw...

Nakaka praning...



Paikot-ikot ang mata sa apat na sulok ng malamig na kwarto.

Ngayon ay lubos ko nang naiintindihan ang tama na dala ng pagka bored...sa isip... sa salita... at sa gawa..


Kaya pala may mga taong sadyang gumagawa ng ganitong bagay..





Salamat sa Diyos at magaling at masigla na ang aking anak...