12/28/12

Catering Serbis

Para akong may pacater noong pasko. Kinarir ko kasi na ako ang magluto ng lahat ng kakainin naming sa noche buena. Habang relax ang lahat ay ako ang punong abala. Dahil sa spirit ng christmas ay tinanggap ko ito ng maluwag sa puso. WAG NALANG MAULIT SA BAGONG TAON!!!


 
Pinaputok ni Magellan: Lapu-lapu na ginulat sa labintador bago pausukan 
 
Dilang Matabil: Pinalambot na dila sa sarsa ng kabute.


 
Inabusong Hipon: Buttered shrimp in lemon & garlic.

 
Tong Tong Chili: Pina-anghang na alimango sa oster sauce.



 
Super Caldereta: Ang pagkain ng mga super hero.

12/21/12

Ang Mundo ay Hindi Magwawakas sa Araw Mo

December 21, 2012 ay hindi katapusan ng mundo. Ito ang araw ng taong nagbigay sa akin ng walang hanggang saya at pagmamahal. Siya ang taong, nagpapalakas sakin at nag-alay ng inspirayon upang lumaban at patuloy na magmahal ng walang hanggan. Sa dinaanan naming pagsubok, ang kahinaan niya ang naging lakas ko. At ang lakas niya ang naging inspirasyon ko upang manalig at bumangon. Sa bawat patak ng luha na dumaloy, ramdam ko ang sakit sa tibok ng kanyang dibdib ngunit sa kaibuturan ay ang pintig ng pag ibig na walang kapalit.

Hindi ako buo ng wala siya..

Siya ang tinta ng ballpen ko..
Siya ang keyboard ng laptop ko..
Siya ang wifi ng tablet ko..
Siya ang suka sa adobo ko..
Siya ang gas ng kotse ko..
Siya ang talim sa kutsilyo ko..
Siya ang tubig sa kape ko..
Siya ang remote ng TV ko..
Siya ang nanay ng mga anak ko...
Siya ang hangin ng buhay ko..

Maligayang kaarawan!!!

Mahal na mahal kita....

12/18/12

Rockin Around The Christmas Three

Rocking around the Christmas Tree
at the Christmas party hop
Mistletoe hung where you can see
Ev'ry couple tries to stop

Rocking around the Christmas Tree
Let the Christmas Spirit ring
Later we'll have some pumpkin pie
and we'll do some caroling

You will get a sentimental feeling When you hear voices singing
"Let's be jolly; Deck the halls with boughs of holly" Rocking around the Christmas Tree
Have a happy holiday
Everyone's dancing merrily
In a new old fashioned way

Rocking around the Christmas Tree
Let the Christmas Spirit ring
Later we'll have some pumpkin pie
and we'll do some caroling

You will get a sentimental feeling When you hear voices singing
"Let's be jolly; Deck the halls with boughs of holly"
Rocking around the Christmas Tree
Have a happy holiday
Everyone's dancing merrily
In a new old fashioned way


Eto ang kinanta ni Gaby at mga kaklase nya sa Christmas presentation nila kanina. Nagulat ako at napa-indak sa tuwa. Noon kasi, dose-anyos na ko "Sa may bahay na wawalhati" at "We wish you ameri krismas" lang ang alam kong kanta.

12/17/12

The Next Christmas Musical

Isang konsepto ng Christmas Presentation ang binuo ng aming grupo para sa nalalapit na Christmas party. Syempre pa, punong-puno ako ng idea, hanggang sa pinaka maliit na detalya. Mula blocking, selection of songs, costume at punchline, ako ang nasunod lahat! Ang lupit pa ng storyline, pang maala-ala mo kaya musical ang dating. Yung bida ay kailangan ng todo-todong performance. Iindak, hahataw, bibirit. Pang Oscar ang kalibre. Nagpatuloy ang pagdetalye ng storyline...Maya-maya unti-unti kong nararamdaman na ako na ang tinutukoy na bida. Tumayo ako at pagalit na nagsalita. "Scrap ang concept!!!!" Ang pangit-pangiiiiit! Sabay walk-out with conviction!

12/16/12

Drunken Master


Si Jackie Chan ang nag-iisang action star na idol ko. Pangarap kong  sumunod sa yapak niya na matuto ng kung-fu at magka black belt sa karate. Pero lumaki akong pitik-bulag lang ang alam na physical sport. Kaya naman hindi ko inasahang magkakaroon ako ng pagkakataon na matutupad ang pangarap. Kahit hindi 'to karate, humanda ka Drunken Master, dahil mas malupit pa to kay Wong Fei Hung!!!!! hiyaaaah!


 

12/13/12

China Arabia

Nasa China pala ako, kala ko nasa Saudi Arabia. Sa tuwing oorder kasi ako ng pagkain ay nagugulat ako sa kanilang generous serving of oil. Ang akala ko tuloy ay nalipat na sa China ang pinaka malaking imbakan ng langis sa mundo.



12/12/12

Panic Bytes-ying

Nandito ako ngayon sa Shenzhen malapit sa Huaqiangbei Area. Parang divisoria sa dami ng tindang electonic products. Tumpukan ang bentahan at tawarang walang humpay. Sa dami ng nabili ko, ay mukhang kailangan ko nang magtiis na hindi kumain hanggang biyernes. Pero okay lang, nakamura naman ako sa pagbili ko ng mga bagay na hindi ko naman talaga kailangan.



Yan ang sulit!!!

Ang super cutie and so kagigil to the max thumbdrive 8GB for only 20RMB, bumili ako ng 20pcs!. Parang adik lang na tumitira ng Gigabytes!

12/11/12

Ayaw ng away?

Ang tagal kong nawala sa bloggin, hindi ko na tuloy maalala kung kailan ako huling nag log-in. Ang dami kasing ng mga pagyayaring kailangan kong tapusin at mga bagay na dapat unahin. Pero hindi mo parin maalis sa akin na ang simpleng bagay na ito ay hanap-hanapin. Kaya mula sa araw na ito, hindi ko naman pipilitin, pero aking susubukin na pag may oras lang din akin tong aaraw-arawin. Pero hindi ko na pipilitin na ang entry ay pahabain. Mas masarap kasing basahin ang kwento pag hindi masyadong malalim.

Ito ang naisip kong paraan kapag may pinagtatalunan kami ng aking asawa at tatlong taong gulang na anak. Bawal mangatwiran kung walang rhyme...

4/10/12

Gaby Boy




Mabilis ang paglaki ni Gaby. Hindi na siya yung dating baby na masaya na makipaglaro sa amin ng mommy niya. Gusto na niya na nag eexplore sa sarili niya. Namimili na siya ng damit na isusuot, pagkain na kakainin, lugar na papasyalan at taong gusto niyang kasama.


Sa tuwing maglalakad kami sa mall o kung saan man may maraming tao. Para siyang pulitiko na kaway ng kaway at "hi' ng "hi" sa mga taong nakakasalubong niya.


Marunong na siyang kumain mag-isa.


Marunong na siyang makipag usap. Yun lang, kailangan mo intindihin ang sinasabi niya dahil pag hindi, iinit ang ulo niya at magagalit sayo.


Pag darating ako ng bahay, nagmamadali siyang dumapa sa ilalim ng hagdan para kunin ang tsinelas ko.


Marunong na siyang magbilang ng 1 to 20, pero ini-skip niya ang 3 at 4. 1,5,6,7,8,9,10,11,12,13,14,15,16,17,18,19,20!


Alam na niya ang lahat ng basic colors. Kaya na niyang i-dentify ang lahat ng letters, maliban sa N at M an madalas niyang pinagpapalit.


Madalas na siyang mag role play. Minsan baby siya, minsan pusa, minsan aso, minsan elepante, minsan tigre at minsan si Dora. Sa tuwing kakausapin mo siya, dapat alam mo kung ano at sino siya sa mga oras na yun, dahil pag hindi, hindi siya sasagot. Madali naman malaman kung ano o sino siya, dahil marunong siyang tumahol at mag ngiyaw!


Ngayong malapit na siyang magkaroon ng kapatid, Isang bagay lang ang kinakatakot ko. Sana ay wag siyang makaramdan ng selos sa kapatid niya. Sana ay hindi siya makaramdam ng pagbabago sa atensyon na ibinibigay namin sa kanya.


Ramdam ko ang excitement niya sa pagdating ng kapatid niya.


Gabi-gabi ay pinagdadasal niya ang kalusugan nito. Sa tuwing tatanungin mo siya kung ano ang gusto niyang kapatid. Sasabihin niya na "Baby boy".


Ayan, dininig ni Jesus ang dasal niya.


Magkakaroon siya ng kapatid na BABY BOY!!!!

3/28/12

I Lost My Phone in Manhattan




I Lost My Phone in Manhattan ay isang 2012 American Romantic Action Drama Horror Indie Film ng NYPD Production. Pinagbibidahan ito ng isang sumisikat na gwapong actor na si Lloyd. Nagsimula ang pagkuha ng pelikula Noong Marso 17, hanggang Marso 24, 2012 at si Giovanni Restituto Magtibay (hindi tunay na pangalan) ang direktor ng pelikula.

PLOT

Hindi naging madali kay Fhiel na tanggapin ang balitang kailangan niyang pumunta ng New York City ng halos isang linggo. Natatakot kasi siyang mahomesick at ayaw din niyang iwan ang kanyang mag-ina ng ganoong katagal. Ngunit wala siyang magawa, parte ito ng kanyang trabaho na kailangan niyang sundin, ano man ang maging kahinatna nito.


Sabado ng umaga ng magsimula siyang mag empake ng tatlong damit. Mabigat ang loob habang isinasalansan sa isang kulay berdeng maleta ang bawat piraso. Bawat isa ay nagdudulot ng ala-ala at kalungkutan sa nalalapit na pag-alis. Nang matapos ang mahabang empake, nagpasya si Fhiel na dumeretso na ng airport. Inihatid siya ng kanyang, asawa, anak, kapatid, pinsan, kaibigan, kakilala at kapitbahay. Isang buong jeep na puno ng kaldero na may lamang kanin, adobo, menudo at piritong manok. Ilan lang kasi ito sa mga pagkaing siguradong mamimiss niya sa matagal na pagkawala.

Nang makarating ng airport, agad bumaba si Fhiel ng Jeep. Mabigat ang kanyang paa at dibdib. Halos kaladkarin niya ang bawat hakbang papalayo sa mga mahal sa buhay. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng sigaw kasabay ng iyak mula sa kanyang anak. "Waaaaaaaaaah...dadiiiiiiiiiiiiiii". Agad lumingon si Fhiel, binitawan ang dalang bag at mabilis na tumakbo palapit sa anak. Niyakap ito at nag-iyakan sila na parang walang nakakakita. Dito narin tuluyang bumagsak ang damdamin ng kanyang asawa. Tanging ingit at patak ng luwa lamang ang umalingaw-ngaw sa buong kapaligiran.


Ang sumunod na eksena ay naglalakad na si Fhiel sa kahabaan ng Manhattan. Puno ng tao ang lugar at hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling ang mga ito. Habang pumapatak ang oras ay padami ng padami ang mga tao. Hindi alam ni Fhiel kung saan siya papunta, hinahayaan niyang dalhin siya ng kanyang paa saan man ito makarating.

Isang pamilyar na tindahan ang pumukaw ng kanyang attensyon, isang malaking tindahan ng mga laruan na akala mo ay isang theme amusement park ang loob. Ang Toy's R Us at ang Disney. Muling nangilid ang luha ni Fhiel, dahil muli na naman niyang naalala ang anak na noon ay apat na araw na niyang hindi nakikita. Dahil dito ay naiisipan niyang bilhan ng pasalubong ang anak, isang mic ni Dora at ang paborito niyang si Elmo. Paglabas ay nasupresa siya nang makitang naghihintay sa labas si Elmo at sinalubong siya nito ng yakap. Parang nakakita ng artista si Fhiel na agad nag papicture kay Elmo. Mabango si Elmo, hindi tulad ng una niyang inaasahan na amoy halimaw.
















Ilang metro ang layo mula doon ay natanaw ni Fhiel ang Time Square. Bakas sa kanya ang kasabikan habang nakatingala sa mga naglalakihang building at naglalakihang TV. Inisip niya kung naka cable ba ang mga ito, at kung sino ang nagbabayad. Matagal na kasi niyang planong magpakaybol pero mahal. Namangha rin siya sa haba ng pila ng mga nagnanais manonood sa teatro, Ghost the musical at Spiderman yata ang palabas. Sa kanilang lugar kasi ay tuwing may pista lang may ganito.









Maya-maya ay ginutom si Fhiel. Sa Ruby Tuesday niya na-isipang kumain. Malaki ang lugar at puno ito ng tao. Mahal ang pagkain pero dahil libre ay okay lang. Sanay na sanay si Fhiel na kumain sa mamahaling restaurant pag libre. Sa drinks ay umorder siya ng Ultimate Patron Margarita, gawa ito sa patron Silver Tequilla na hinaluan ng O3 Orange liqueur, Grand Marnier at Fresh lime at lemon juice. Hindi niya naiintindihan ang mga hinalong ito. Pero swabe ang sarap, so refreshing ika nga... Kaya sana niyang maka-lima pero ayaw niyang malasing. Sa main dish ay umorder si Fhiel ng Chef's Sirloin Steak. Maraming choices ng side dish pero onion ring ang fries lang ang kilala niya. Laking Jollibee at Burger King kasi si Fhiel. "How do you want your steak sir?" Tanong ng waiter. "Medium well please" na pa slang ang sagot ni Fhiel. Feeling tuloy niya ay laking NYC na siya. Halos mabundat si Fhiel sa steak na kinain. Kahit kasi malaki ito ay hindi niya mapigilan ang sarili na hindi ubusin. Perstym kasi niyang nakakain ng ganoong ka juicy na steak. Yung huli kasing kinain niya ay nasunog ata, lasang uling ang labas at styrofoam naman ang loob.










Patuloy na naglakad si Fhiel. At dito ay natanaw niya ang Empire State Building. Naalala niya ang paborito niyang pelikula na Kingkong na pinag bidahan ng yumaong si Kingkong.






Ilang kilometro ay napadaan naman siya sa Madison Squre Garden na maaga pa ay marami ng nag aantay sa laban nh Knicks. Pinagkakaguluhan ang jersey ni Jeremy Lin. Karaniwan sa t-shirt o Jersey na may tatak ng pangalan niya ay nagkakahalaga ng $85 hanggang $45 depende sa kalidad. Samantala sa iba niyang teammates ay buy-one take one pa. Naiasip ni Fhiel na kung Jersey pa ni Jawo ang tinitinda, malamang ay napabili siya.





Habang patuloy sa paglakad ay isang pamilyar na lugar ang nakita niya. Ang Rockefeller Center, kung saan napansin niya ang NBC studio. Madaming reporter sa paligid, pero si Gus Abelgas lang ang kilala niya. Gusto pa nga sana siyang interbyuhin ng isang puppet na parang si Arn-arn, pero ayaw niya. Ayaw niyang mapahiya sa mga kaibigan kung ipapalabas ito sa Sesame Street news channel.














Nakakalimutan na sana ni Fhiel ang lungkot. Hanggang isang nakakagulat na pangyayari ang nagpahinto ng oras at halos nagpigil ng tibok ng puso niya. Kinapa niya ang bulsa, ibinaligtad ang dalang bag, hinubad ang sapatos..subalit wala..wala! Ang pinaka iingatan niyang celpon na Samsung Champ na 2,999Php lang ang bili niya sa Waltermart bago magpasko. Natulala si Fhiel. Bakas ang panghihinayang. Minsan lang kasi siya magkaroon ng celpon na touch screen. Ayaw na niyang bumalik sa Nokia 3210. Nangilid ang luha niya, pero kahit anong gawin niya ay hindi niya matandaan kung saan niya ito naiwan o nalaglag. Masakit na ang paa niya at hindi na niya kayang balikan ang lahat ng lugar na pinuntahan. Gusto sana niya itong ireport sa NYPD lost and found division at isa ilalim sa forensic investigation ng CSI NY. Pero huli na ang lahat..wala an ang celpon niya...

Makalipas ang ilang minuto ay nagpasya na si Fhiel na bumalik ng tinutuluyang hotel. Pero bago siya bumalik ay nagutom siya at naisipang kumain sa isang restaurant sa Plainview NY. Ang South Side. Tanging Lobster lang ang nasa isip ni Fhiel maliban sa nawawalang celpon. Perstym makakain ni Fhiel ng dalawang lobster. Halos hindi niya ito maubos at nasabi niyang " Mas masarap sana kung may kanin at nasa tabi ko ang celpon ko". Hindi parin maalis kay Fhiel ang ala-ala ng nawawalang celpon.



Pero umasa si Fhiel, na hindi man sila magkita ng nawawalng celpon. Darating ang panahon na magkakaroon ulit siya ng bago. Pero isa lang ang aral na natutunan ni Fhiel. " Mabuti na ang celpon na mura sa taong tatanga-tanga..."





THE END















2/21/12

Ang Pagpapatuloy ng Simula

Ilang linggo na akong nag-aalala. Mula kasi ng pumasok ang taon ay may kakaiba akong nararamdaman sa asawa ko. Malaki ang pagbabago niya. Nawala ang dating sigla, lambing at pag-aalaga tulad ng ginagawa niya dati.



Madalas narin ang tampuhan at hindi pagkakaintindihan kahit sa pinakamaliit na bagay. Kung dati ay hindi natatapos ang araw na hindi kami nakakapag-usap, ngayon ay sumasapit ang magdamag na hindi kami nagkikibuan. Inisip ko na maaring pagod lang siya. Kasabay ng trabaho ay kailangan par niyang alagaan ang aming anak, at asikasuhin ang mga gawain sa bahay. Ilang beses ko naman siyang inalok na kumuha ng katulong, pero dahil sa hindi magandang karanasan sa mga nauna ay mas pinipili niya na huwag na lang...kaya naman daw.

Bago dumating ang ika-dalawang taon na kaarawan ng aming anak nagkaroon ako ng pagkakataon na kausapin siya. Tinanong ko siya kung may problema ba? pero iling lang ang isinagot sa akin. Inilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko, pero maliban sa patak ng luha sa mata niya ay wala akong narinig na kahit ano. Natatakot akong masira ang maganda naming pinagsamahan dahil sa wala. Naiinis ako, pero pilit akong nagtitimpi at sinusubukang intindihin siya. Pero wala ako maisip na dahilan para magbago siya. At wala rin siyang sinasabi sa akin... Kilala ko ang asawa ko..pero ngayon, bakit parang hindi na..




Ang pagbabagong ito ay napansin ko din sa kanyang pisikal na hitsura. Hindi mapigilan ang paglaki niya, ang dating makinis na mukha ay nabahidan ng tigyawat. Pati ang sarili niya ay napapabayaan na niya. Dahil sa ayaw kong mauwi sa tampuhan, madalas ay dinadaan ko na lang sa biro ang pamumuna ko sa kanya. Pero sa likod nito ay hindi ko parin naiintindihan ang lahat....

Noong nakaraang linggo, habang naglalaro kami ng aking anak ay lumabas mula sa banyo ang aking asawa na may bakas ng pagkagulat sa mata nito. Mahinang tawag ang sunod sunod kong nadinig sa kanya, habang bitbit ang isang maliit na bagay na kulay puti. Iniaabot niya ito sa akin, at dahil sa pamilyar ako sa bagay na ito ay agad akong kinabahan at napatayo.

Dalawang guhit mula sa isang pregnancy test ang tumambad sa akin. Nanlaki ang mata ko, hindi ko na naintindihan ang mga salitang lumalabas sa bibig ko. Niyakap ko ang aking asawa habang nangilid ang luha ko. Nilipat ko ang atensyon sa aming anak, na noon ay pilit isini-siksik ang kanyang sarili sa pagitan naming mag-asawa.Marahil ay nagtataka siya sa nangyayari. Kinausap ko siya at pilit kong ipinaliwanag sa paraan na alam kong maiintindihan niya ang dahilan ng aming kaligayahan. Hindi ko alam kung lubusan niya akong naintindihan, pero bigla siyang nagtatalon at sumigaw ng "Ate Babi (Gaby)! Ate Babi (Gaby)! ng paulit-ulit.

Kinabukasan ay dinala ko sa doktor ang asawa ko. Nagulat kami ng malaman na mahigit tatlong buwan na ang tiyan niya.




Hindi namin alam at hindi rin siya nakaramdam ng kakaiba sa kanyang pisikal na katawan maliban sa unti-unting paglaki ng tiyan niya. Hindi rin kasi naging basehan ng asawa ko ang buwanang dalaw niya, dahil hindi ito normal sa kanya. Kung matatandaan ng ilan, ito nga ang naging dahilan kung bakit ang laki ng hirap namin upang makabuo ng unang anak (Eto Ang Simula). Kaya naman pareho kaming hindi umasa na sa pagkakataong ito na ibibigay sa amin ang panibagong biyaya sa normal na paraan.

Matapos ang lahat ay nakaramdam ako ng pagka-guilty.
Una sa aking anak na tatlong buwan na palang may buhay na sumisibol ay hindi ko nabigyan ng tamang atensyon. Salamat na lamang at lumalaki siyang malusog.
Pangalawa sa aking asawa, sa lahat ng tampo na naidulot ko sa pagkakataong dapat ako ang umuunawa.Sa mga araw na dapat kong intindihin ang nararamdaman niya. Ayaw kong gawing dahilan ang "hindi ko alam", dahil alam kong nagkulang ako, may buhay o wala man siyang dinadala hindi ko lubos na naipakita ang aking pag-aalaga at pag mamahal na dapat kong binibigay habang buhay, tulad ng aking ipinangako.




Ngayon ay magpapatuloy ang simula ng bagong yugto sa aking buhat at pamilya.
Sa aking asawa, pagmamahal na walang pag-aalinlangan ang habang buhay kong ibibigay.
Sa aming anak na si Gaby, ikaw ang nagsimula ng ligaya sa buhay ko, at patuloy na magbibigay ng saya samin. Patuloy at panghabang buhay kitang mamahalin.
Sa munting buhay, ang aking anak, sa pagkakataong hindi kita nabigyan ng atensyon, isang mainit na aruga ang mag-uumapaw mula ngayon hanggang sa iyong paglaki.






Panginoon, salamat sa biyayang patuloy na dumadaloy sa buhay ko...kahit hindi ako lubos na karapat-dapat sa mga ito, ay patuloy parin ang tiwala at pagmamahal mo sa akin at sa aking buong pamilya.

Amen.

2/13/12

Gaby @ 2

Ang bilis ng panahon, ang dating sangol na madalas kong titigan ay lumalaki na. Sa tuwing tatawagin ko nga siyang baby ay itinatama pa nya ko. Hindi raw siya baby, dahil sya si Ate Babi (Ate Gaby) . Hindi ko nga alam kung san nya napulot yun. Na-pepressure tuloy ako na tuparin ang wish niya.
Noong Feb 7, 2012 ay sumapit ang ika-dalawang taon ng aking anak. Sobrang excited siya. Isang linggo bago ang birthday nya ay gumigising siya na kumakanta. "Happy bitdey ate babi..Happy bitdey ate babi.. paulit-ulit hanggang magising kami ng mommy niya.
Noong araw ng birthday niya, isang malaking ngiti ang sinalubong niya ng makita ang simpleng surpresa namin ng mommy niya.
At lahat ng mga bagay na gusto niyang gawin.
Mag swimming...
At maglaro....



Noong sabado ay masaya kaming nagdiwang ng birthday party, na ginawa namin sa SM Storyland, SM City Marilao Bulacan. Ibang klaseng saya ang nakita ko sa kanya. Nakakawala nga ng pagod na makitang lubos siyang nasiyahan.


Sana lang wag ka masanay, yung susunod kasi sa debut mo na ha...?

1/13/12

Ika-limang taong swerte sa Friday the 13th

Kung may malas na petsa o araw, hindi ako sasang-ayon na ngayon ito.
Pagkagaling sa opisina ay dali-dali akong umuwi. Nag-aantay na si Gaby at mukhang mas excited pa sa Mommy niya. Pinili kong sa Tagaytay namin i-celebrate ang okasyong ito. Ang isa sa pinaka mahalagang lugar para sa aming mag-asawa. Marami kasing mahahalagang kabanata sa buhay namin ang nangyari sa lugar na ito. At ngayong ika-limang taon, ay pinili kong balikan ang masasayang ala-ala nabuo dito.

Sa the cliff house kami dumiretso. Isang Italian restaurant na Buon Giorno! na ang ibig sabihin sa ingles ay "good day!" tamang-tamang pangkontra malas sa Friday the 13th!


Tama lang ang laki ng lugar. Sa ganda kasi ng tanaw sa palubog na araw, at sa payapang lawa ng taal ay masasapawan na nito kung may kakulangan man sa loob at labas ng restaurant.

Sa pagkain naman, comfort food naming mag-asawa ang pasta at pizza. Eto nga at pati si Gaby ay nakiki comfort food narin.

Apple and caramel smootie (Php 140)
Patok kay Gaby ang smootie na 'to.

Mare Pesto (Php 265)
Hindi ako gaanong mahilig sa seafoods, pero adik ako sa pesto kaya naman pwede na nito mabalance ang panlasa ko.Isa pa, pinili ko ito dahil alam kong magugustuhan ito ng asawa ko. Hindi naman ako nagsisi. Ang pizza kahit ano ipatong masarap. Yung crust lang ay nasobrahan ng lutong..mas masarap sana kung chewy ng konti.

Spaghettini Aglio E Olio (Php 297)
Eto ang kahinaan ko...Pasta..olive oil..anchioves...amoy palang nakakagana na. Ang isa pang nagustuhan ko dito ay ang pagiging mild ng lasa nito. Pero nandun parin ang lahat ng flavor. Ito rin ang nagustuhan ni Gaby at napadami ang kain.

Lasagne Al Forno (Php302)
Nakakatakam makita ang nalulusaw na keso habang humahalo sa meat sauce. Nakakabusog ang pasta na ito sa dami ng meat sauce na nakapalaman.

Malas daw ang Friday the 13th. Pero hindi sa akin at lalong hindi sa araw na ito. Hindi kasi maaring maging malas ang limang taon ng saya na pinagsamahan namin ni Grace bilang mag-asawa. Ang limang taon na lumipas na parang limang araw at minsan ay limang minuto o segundo lang sa sarap.




Sarap: 4/5: Adik sa pasta.
Lugar: 5/5: Sa malamig na klima at magandang view..solb na solb.
Serbisyo: 3/5: Minsan nagiging parang robot, Relax..
Halaga: 4/5: Hindi na masama