2/21/12

Ang Pagpapatuloy ng Simula

Ilang linggo na akong nag-aalala. Mula kasi ng pumasok ang taon ay may kakaiba akong nararamdaman sa asawa ko. Malaki ang pagbabago niya. Nawala ang dating sigla, lambing at pag-aalaga tulad ng ginagawa niya dati.



Madalas narin ang tampuhan at hindi pagkakaintindihan kahit sa pinakamaliit na bagay. Kung dati ay hindi natatapos ang araw na hindi kami nakakapag-usap, ngayon ay sumasapit ang magdamag na hindi kami nagkikibuan. Inisip ko na maaring pagod lang siya. Kasabay ng trabaho ay kailangan par niyang alagaan ang aming anak, at asikasuhin ang mga gawain sa bahay. Ilang beses ko naman siyang inalok na kumuha ng katulong, pero dahil sa hindi magandang karanasan sa mga nauna ay mas pinipili niya na huwag na lang...kaya naman daw.

Bago dumating ang ika-dalawang taon na kaarawan ng aming anak nagkaroon ako ng pagkakataon na kausapin siya. Tinanong ko siya kung may problema ba? pero iling lang ang isinagot sa akin. Inilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko, pero maliban sa patak ng luha sa mata niya ay wala akong narinig na kahit ano. Natatakot akong masira ang maganda naming pinagsamahan dahil sa wala. Naiinis ako, pero pilit akong nagtitimpi at sinusubukang intindihin siya. Pero wala ako maisip na dahilan para magbago siya. At wala rin siyang sinasabi sa akin... Kilala ko ang asawa ko..pero ngayon, bakit parang hindi na..




Ang pagbabagong ito ay napansin ko din sa kanyang pisikal na hitsura. Hindi mapigilan ang paglaki niya, ang dating makinis na mukha ay nabahidan ng tigyawat. Pati ang sarili niya ay napapabayaan na niya. Dahil sa ayaw kong mauwi sa tampuhan, madalas ay dinadaan ko na lang sa biro ang pamumuna ko sa kanya. Pero sa likod nito ay hindi ko parin naiintindihan ang lahat....

Noong nakaraang linggo, habang naglalaro kami ng aking anak ay lumabas mula sa banyo ang aking asawa na may bakas ng pagkagulat sa mata nito. Mahinang tawag ang sunod sunod kong nadinig sa kanya, habang bitbit ang isang maliit na bagay na kulay puti. Iniaabot niya ito sa akin, at dahil sa pamilyar ako sa bagay na ito ay agad akong kinabahan at napatayo.

Dalawang guhit mula sa isang pregnancy test ang tumambad sa akin. Nanlaki ang mata ko, hindi ko na naintindihan ang mga salitang lumalabas sa bibig ko. Niyakap ko ang aking asawa habang nangilid ang luha ko. Nilipat ko ang atensyon sa aming anak, na noon ay pilit isini-siksik ang kanyang sarili sa pagitan naming mag-asawa.Marahil ay nagtataka siya sa nangyayari. Kinausap ko siya at pilit kong ipinaliwanag sa paraan na alam kong maiintindihan niya ang dahilan ng aming kaligayahan. Hindi ko alam kung lubusan niya akong naintindihan, pero bigla siyang nagtatalon at sumigaw ng "Ate Babi (Gaby)! Ate Babi (Gaby)! ng paulit-ulit.

Kinabukasan ay dinala ko sa doktor ang asawa ko. Nagulat kami ng malaman na mahigit tatlong buwan na ang tiyan niya.




Hindi namin alam at hindi rin siya nakaramdam ng kakaiba sa kanyang pisikal na katawan maliban sa unti-unting paglaki ng tiyan niya. Hindi rin kasi naging basehan ng asawa ko ang buwanang dalaw niya, dahil hindi ito normal sa kanya. Kung matatandaan ng ilan, ito nga ang naging dahilan kung bakit ang laki ng hirap namin upang makabuo ng unang anak (Eto Ang Simula). Kaya naman pareho kaming hindi umasa na sa pagkakataong ito na ibibigay sa amin ang panibagong biyaya sa normal na paraan.

Matapos ang lahat ay nakaramdam ako ng pagka-guilty.
Una sa aking anak na tatlong buwan na palang may buhay na sumisibol ay hindi ko nabigyan ng tamang atensyon. Salamat na lamang at lumalaki siyang malusog.
Pangalawa sa aking asawa, sa lahat ng tampo na naidulot ko sa pagkakataong dapat ako ang umuunawa.Sa mga araw na dapat kong intindihin ang nararamdaman niya. Ayaw kong gawing dahilan ang "hindi ko alam", dahil alam kong nagkulang ako, may buhay o wala man siyang dinadala hindi ko lubos na naipakita ang aking pag-aalaga at pag mamahal na dapat kong binibigay habang buhay, tulad ng aking ipinangako.




Ngayon ay magpapatuloy ang simula ng bagong yugto sa aking buhat at pamilya.
Sa aking asawa, pagmamahal na walang pag-aalinlangan ang habang buhay kong ibibigay.
Sa aming anak na si Gaby, ikaw ang nagsimula ng ligaya sa buhay ko, at patuloy na magbibigay ng saya samin. Patuloy at panghabang buhay kitang mamahalin.
Sa munting buhay, ang aking anak, sa pagkakataong hindi kita nabigyan ng atensyon, isang mainit na aruga ang mag-uumapaw mula ngayon hanggang sa iyong paglaki.






Panginoon, salamat sa biyayang patuloy na dumadaloy sa buhay ko...kahit hindi ako lubos na karapat-dapat sa mga ito, ay patuloy parin ang tiwala at pagmamahal mo sa akin at sa aking buong pamilya.

Amen.

5 comments:

Chyng said...

im so happy for you!!! congratulations sir lloyd and grace! amazing, ate na si gaby! ♥

Lloyd said...

Chyng, tama pala yung comment mo nung birthday ni gaby..hehe. Thanks!

John Marx Velasco said...

Congrats Sir Lloyd! You are truly blessed! =)

Lloyd said...

Salamat Marx..Godbless!

anney said...

Congrats! Such a nice blesing! Pati yung daughter mo tuwang tuwa at magiging ate na sya!