4/6/11

Pray, Eat & Love (Made in Tagaytay)

Sa lahat ng lugar na napuntahan ko, isa sa paborito at binabalik-balikan ko ang Tagaytay. Lalo pa ngayon na halos 30 minuto na lang ang layo nito mula sa aming bahay. Bukod sa malamig na klima at magandang tanawin, ay dito ko sa Tagaytay nahahanap ang mga pagkain na masarap balik-balikan. Pero ang pinaka malaking dahilan kung bakit patuloy ang pagbalik ko sa lugar na ito ay ang mga ala-ala, sa mga masasayang pangyayari sa buhay ko.

Sa Tagaytay ko kauna-unahang dinala ang aking asawa upang mamasyal noong magkasintahan palang kami. Bago kami ikinasal, dito ginawa ang aming pre-nuptial pictorial. At ang pinaka mahirap malimutan... Dito nabuo ang aming unang anak na si Gaby dalawang taon na ang nakaraan..!


Noong nakaraang linggo, bumalik kami sa Tagaytay, upang subukan bumuo muli ng ala-ala...



Pray.


Caleruega ang laging unang ng destinasyon namin bago tuluyang gugulin ang araw sa Tagaytay. Hindi na ito parte ng Tagaytay, pero malapit lang ito mula sa bayan. Kakaibang pakiramdam para sa akin ang pananatili sa lugar na ito. Mas nagiging taimtim ang ugnayan ko sa Diyos. Ang dampi ng sariwang hangin na nahaluan ng mabangong samyo ng mga halaman, ang nakakapagpanatag sa akin. Para bang natupad na lahat ng aking dalangin bago ko pa man ito sambitin. Tulad nga ng motto ng lugar na ito, "Closer to nature, Closer to God". Eto rin ang paniniwala ko.



Eat.


Marami-rami na rin akong nakainan sa Tagaytay. Pero kahit minsan ay hindi ko pa nasubukan ang isang sikat na Coffee Shop & Bakery sa lugar. Ang Bag of Beans na matatagpuan sa Aguinaldo Hi-way, malapit sa Mendez Crossing West. Madalas kong marinig ang lugar na ito, pero isa sa dahilan kung bakit hindi ko pa nasubukan kumain dito ay dahil sa impresyon na isa lang itong Coffee Shop, at wala itong appeal sa tulad ko na hindi naman umiinom ng kape. Pero dahil malapit lang ito sa hotel na tinuluyan namin, ay pinili kong subukan ang pagkain dito.



Sa ibaba ng bakery ay isang restaurant na tamang-tama sa isang mahaba-habang kainan.


From The Grill : Pork Chops


Kakaiba ang flavor ng Pork Chop na ito, hindi ko kayang ihambing sa regular na inihaw na Pork Chops na madalas kong makain. Tender and juicy. Sakto ang timpla ng mga spices dahil hindi nito na over power ang lasa ng pork chop. Sa halagang 295 pesos ay dalawang naglalakihang hiwa ng pork chops ang itutumba mo!


Garlic Shrimp (with rice & steamed vegetables)


Nakakaganang kainin. Ito yung mga tipo ng pagkain na kahit busog ka na ay hindi mo nararamdaman dahil gusto mo pa. Tama ang timpla na magaan sa panlasa, sa halagang 350 pesos.


Bread Basket (with jams)


Dahil sa gutom at sa pag-aakalang konti lang ang serving ng pagkain ay umorder pa ko ng isang Bread basket. Pang puno sana kung nabitin. pero hindi ko naman inasahan na literal na isang basket pala talaga ang dami ng tinapay. Siksik at malaman, bagamat para sa akin ay masyadong natusta sa pagkaka oven. Pero kung papahiran ng kasama nitong jam ay pwede na! Sa halagang 150 pesos ay may merienda pa!


Coffe Choco Banana Frost


Base sa aking asawa, perfect ang kombinasyon ng kape, choco at saging. Parang may coffe festival sa loob ng bibig mo sa oras na inumin mo na. Sarap na hahanapin sa halagang 145 pesos.


Ice Caramel Machiatto


Wala akong planong omorder ng kape dahil hindi naman ako mahilig dito. Pero dahil sa nahihirapan mamili si Grace sa dalawa ay nagpanggap ako na gusto kong orderin ang isa. Sinubukan kong tikman, at sa totoo lang ay halos maubos ko. Pero para daw sa mahilig sa kape ay relaxing at mapapangiti ka sa sarap sa lasa nito. Ewan ko, wala akong kredibilidad na pumuri at pumuna. Natikman ko sa halagang 110 pesos.


Love.

Iba ang saya pag kasama ang mahal mo sa Tagaytay. Dahil sa ganda ng tanawin at lamig ng panahon ay pakiramdam ko na para bang dalawang araw pa lang kayong mag-on. Nanumbalik ang mga paru-parong nagliliparan at naghaharutan sa tiyan ko sa tuwing masisilayan ko ang ngiti sa asawa ko. At muling tumataas ang boltahe na nagpapakuryente sa tuwing magdidikit at magkikiskis ang mga balat namin. Tamang-tama pa ang timing ng promo sa Taal Vista na nagsilbing pugad ng hapo at pagod na katawan sa maghapong pamamasyal. (Ang sususnod na kwento ay hindi naangkop sa mga mambabasa... sinadyang putulin na lamang.)



Malay mo, makalipas ang siyam na buwan ,ay baka may panibago na namang Made in Tagaytay!



Sarap: 5/5 – Hindi lang pang breakfast!

Presentasyon: 4/5 – Nakakagana, sariwa lahat pati ang paligid.


Lugar: 5/5 – Perfect pang date!

Serbisyo: 4/5 – Mahahawa ka sa mga nakangiting staff

Halaga: 3/5 - Kailangan pag-ipunan para makabalik.

3 comments:

marxtermind said...

Walang pinagbago, napapangiti pa din ako sa mga entries mo Sir Lloyd!

Lloyd said...

Salamat maxtermind! Pag nagkita tayo next time sana FOOD TRIP na!!!

[pinkc00kies] said...

bag of beans! :D sarap