2/21/12

Ang Pagpapatuloy ng Simula

Ilang linggo na akong nag-aalala. Mula kasi ng pumasok ang taon ay may kakaiba akong nararamdaman sa asawa ko. Malaki ang pagbabago niya. Nawala ang dating sigla, lambing at pag-aalaga tulad ng ginagawa niya dati.



Madalas narin ang tampuhan at hindi pagkakaintindihan kahit sa pinakamaliit na bagay. Kung dati ay hindi natatapos ang araw na hindi kami nakakapag-usap, ngayon ay sumasapit ang magdamag na hindi kami nagkikibuan. Inisip ko na maaring pagod lang siya. Kasabay ng trabaho ay kailangan par niyang alagaan ang aming anak, at asikasuhin ang mga gawain sa bahay. Ilang beses ko naman siyang inalok na kumuha ng katulong, pero dahil sa hindi magandang karanasan sa mga nauna ay mas pinipili niya na huwag na lang...kaya naman daw.

Bago dumating ang ika-dalawang taon na kaarawan ng aming anak nagkaroon ako ng pagkakataon na kausapin siya. Tinanong ko siya kung may problema ba? pero iling lang ang isinagot sa akin. Inilabas ko ang lahat ng nararamdaman ko, pero maliban sa patak ng luha sa mata niya ay wala akong narinig na kahit ano. Natatakot akong masira ang maganda naming pinagsamahan dahil sa wala. Naiinis ako, pero pilit akong nagtitimpi at sinusubukang intindihin siya. Pero wala ako maisip na dahilan para magbago siya. At wala rin siyang sinasabi sa akin... Kilala ko ang asawa ko..pero ngayon, bakit parang hindi na..




Ang pagbabagong ito ay napansin ko din sa kanyang pisikal na hitsura. Hindi mapigilan ang paglaki niya, ang dating makinis na mukha ay nabahidan ng tigyawat. Pati ang sarili niya ay napapabayaan na niya. Dahil sa ayaw kong mauwi sa tampuhan, madalas ay dinadaan ko na lang sa biro ang pamumuna ko sa kanya. Pero sa likod nito ay hindi ko parin naiintindihan ang lahat....

Noong nakaraang linggo, habang naglalaro kami ng aking anak ay lumabas mula sa banyo ang aking asawa na may bakas ng pagkagulat sa mata nito. Mahinang tawag ang sunod sunod kong nadinig sa kanya, habang bitbit ang isang maliit na bagay na kulay puti. Iniaabot niya ito sa akin, at dahil sa pamilyar ako sa bagay na ito ay agad akong kinabahan at napatayo.

Dalawang guhit mula sa isang pregnancy test ang tumambad sa akin. Nanlaki ang mata ko, hindi ko na naintindihan ang mga salitang lumalabas sa bibig ko. Niyakap ko ang aking asawa habang nangilid ang luha ko. Nilipat ko ang atensyon sa aming anak, na noon ay pilit isini-siksik ang kanyang sarili sa pagitan naming mag-asawa.Marahil ay nagtataka siya sa nangyayari. Kinausap ko siya at pilit kong ipinaliwanag sa paraan na alam kong maiintindihan niya ang dahilan ng aming kaligayahan. Hindi ko alam kung lubusan niya akong naintindihan, pero bigla siyang nagtatalon at sumigaw ng "Ate Babi (Gaby)! Ate Babi (Gaby)! ng paulit-ulit.

Kinabukasan ay dinala ko sa doktor ang asawa ko. Nagulat kami ng malaman na mahigit tatlong buwan na ang tiyan niya.




Hindi namin alam at hindi rin siya nakaramdam ng kakaiba sa kanyang pisikal na katawan maliban sa unti-unting paglaki ng tiyan niya. Hindi rin kasi naging basehan ng asawa ko ang buwanang dalaw niya, dahil hindi ito normal sa kanya. Kung matatandaan ng ilan, ito nga ang naging dahilan kung bakit ang laki ng hirap namin upang makabuo ng unang anak (Eto Ang Simula). Kaya naman pareho kaming hindi umasa na sa pagkakataong ito na ibibigay sa amin ang panibagong biyaya sa normal na paraan.

Matapos ang lahat ay nakaramdam ako ng pagka-guilty.
Una sa aking anak na tatlong buwan na palang may buhay na sumisibol ay hindi ko nabigyan ng tamang atensyon. Salamat na lamang at lumalaki siyang malusog.
Pangalawa sa aking asawa, sa lahat ng tampo na naidulot ko sa pagkakataong dapat ako ang umuunawa.Sa mga araw na dapat kong intindihin ang nararamdaman niya. Ayaw kong gawing dahilan ang "hindi ko alam", dahil alam kong nagkulang ako, may buhay o wala man siyang dinadala hindi ko lubos na naipakita ang aking pag-aalaga at pag mamahal na dapat kong binibigay habang buhay, tulad ng aking ipinangako.




Ngayon ay magpapatuloy ang simula ng bagong yugto sa aking buhat at pamilya.
Sa aking asawa, pagmamahal na walang pag-aalinlangan ang habang buhay kong ibibigay.
Sa aming anak na si Gaby, ikaw ang nagsimula ng ligaya sa buhay ko, at patuloy na magbibigay ng saya samin. Patuloy at panghabang buhay kitang mamahalin.
Sa munting buhay, ang aking anak, sa pagkakataong hindi kita nabigyan ng atensyon, isang mainit na aruga ang mag-uumapaw mula ngayon hanggang sa iyong paglaki.






Panginoon, salamat sa biyayang patuloy na dumadaloy sa buhay ko...kahit hindi ako lubos na karapat-dapat sa mga ito, ay patuloy parin ang tiwala at pagmamahal mo sa akin at sa aking buong pamilya.

Amen.

2/13/12

Gaby @ 2

Ang bilis ng panahon, ang dating sangol na madalas kong titigan ay lumalaki na. Sa tuwing tatawagin ko nga siyang baby ay itinatama pa nya ko. Hindi raw siya baby, dahil sya si Ate Babi (Ate Gaby) . Hindi ko nga alam kung san nya napulot yun. Na-pepressure tuloy ako na tuparin ang wish niya.
Noong Feb 7, 2012 ay sumapit ang ika-dalawang taon ng aking anak. Sobrang excited siya. Isang linggo bago ang birthday nya ay gumigising siya na kumakanta. "Happy bitdey ate babi..Happy bitdey ate babi.. paulit-ulit hanggang magising kami ng mommy niya.
Noong araw ng birthday niya, isang malaking ngiti ang sinalubong niya ng makita ang simpleng surpresa namin ng mommy niya.
At lahat ng mga bagay na gusto niyang gawin.
Mag swimming...
At maglaro....



Noong sabado ay masaya kaming nagdiwang ng birthday party, na ginawa namin sa SM Storyland, SM City Marilao Bulacan. Ibang klaseng saya ang nakita ko sa kanya. Nakakawala nga ng pagod na makitang lubos siyang nasiyahan.


Sana lang wag ka masanay, yung susunod kasi sa debut mo na ha...?

1/13/12

Ika-limang taong swerte sa Friday the 13th

Kung may malas na petsa o araw, hindi ako sasang-ayon na ngayon ito.
Pagkagaling sa opisina ay dali-dali akong umuwi. Nag-aantay na si Gaby at mukhang mas excited pa sa Mommy niya. Pinili kong sa Tagaytay namin i-celebrate ang okasyong ito. Ang isa sa pinaka mahalagang lugar para sa aming mag-asawa. Marami kasing mahahalagang kabanata sa buhay namin ang nangyari sa lugar na ito. At ngayong ika-limang taon, ay pinili kong balikan ang masasayang ala-ala nabuo dito.

Sa the cliff house kami dumiretso. Isang Italian restaurant na Buon Giorno! na ang ibig sabihin sa ingles ay "good day!" tamang-tamang pangkontra malas sa Friday the 13th!


Tama lang ang laki ng lugar. Sa ganda kasi ng tanaw sa palubog na araw, at sa payapang lawa ng taal ay masasapawan na nito kung may kakulangan man sa loob at labas ng restaurant.

Sa pagkain naman, comfort food naming mag-asawa ang pasta at pizza. Eto nga at pati si Gaby ay nakiki comfort food narin.

Apple and caramel smootie (Php 140)
Patok kay Gaby ang smootie na 'to.

Mare Pesto (Php 265)
Hindi ako gaanong mahilig sa seafoods, pero adik ako sa pesto kaya naman pwede na nito mabalance ang panlasa ko.Isa pa, pinili ko ito dahil alam kong magugustuhan ito ng asawa ko. Hindi naman ako nagsisi. Ang pizza kahit ano ipatong masarap. Yung crust lang ay nasobrahan ng lutong..mas masarap sana kung chewy ng konti.

Spaghettini Aglio E Olio (Php 297)
Eto ang kahinaan ko...Pasta..olive oil..anchioves...amoy palang nakakagana na. Ang isa pang nagustuhan ko dito ay ang pagiging mild ng lasa nito. Pero nandun parin ang lahat ng flavor. Ito rin ang nagustuhan ni Gaby at napadami ang kain.

Lasagne Al Forno (Php302)
Nakakatakam makita ang nalulusaw na keso habang humahalo sa meat sauce. Nakakabusog ang pasta na ito sa dami ng meat sauce na nakapalaman.

Malas daw ang Friday the 13th. Pero hindi sa akin at lalong hindi sa araw na ito. Hindi kasi maaring maging malas ang limang taon ng saya na pinagsamahan namin ni Grace bilang mag-asawa. Ang limang taon na lumipas na parang limang araw at minsan ay limang minuto o segundo lang sa sarap.




Sarap: 4/5: Adik sa pasta.
Lugar: 5/5: Sa malamig na klima at magandang view..solb na solb.
Serbisyo: 3/5: Minsan nagiging parang robot, Relax..
Halaga: 4/5: Hindi na masama

12/27/11

Peace, Love & Sugar


Payapang pagmamahal na ubod ng tamis... Wala na akong hahanapin pa..
Salamat sa isang kumpletong buhay...
Amen.




























10/23/11

Si Dora the Haloween Explorer




Naging abala ang nakaraang sabado sa amin. Nagkaroon kasi ng Haloween party sa aming village at siniguro namin na makasama. Actually, hindi naman ako ang excited, si Gaby talaga (weee!) Noong nakaraang linggo pa lang ay nag-isip na ako ng isusuot ni Gaby. Kaso may pagka maselan sa damit e, ayaw nya ng mga karaniwang custume na nabibili sa para sa haloween custume party. Ang isa pa, medyo mapapagastos pa kung bibili at isang beses lang isusuot (kuripot?). Hindi naman, makakalakihan lang e! (nagpaliwanag pa). Dito pumasok ang ilang konsepto at matapos ang ilang araw na pagpupuyat at pagtatalo, nagkasundo kami sa paboritong cartoon character si Dora the Explorer!


Simple lang pala etong si Dora, T-shirt, Short, Rubber Shoes, beads at backpack...Bueno! Ola chika!Parang nasa bahay lang!


Next issue, ano ang isusuot ko? Naka custume ba pati daddy? Una plinano ko na ternuhan si Gaby. Kaso, hindi naman bagay sakin ang maging boots the monkey, sa gwapo kung to.Baka naman mag mukha akong suman sa lihiya kung magiging ako si the map. Napressure na tuloy ako dahil biyernes na ay wala pa ko custume. Nang dumating ang sabado, naisip ko na lang na mag suot na lang ng normal na damit na karaniwan ko sinusuot. Ngayon, kung sakali na hindi ako papasukin at tanungin kung ano ang costume ko, sasabihin ko na lang na..."Ha? Itinanong mo ko kung sino ako? Shhhh..serial killer!" o kaya bigla na lang ako sisigaw ng..."Hello po! Ako Budoy!!!".


E di solb!

































10/15/11

Bicol Express to the MAX!



Hindi pa ko nakakarating sa Bicol. Pero bakit ang dami kong paboritong pagkain na galing o gawa sa Bicol. Mahilig ako sa Pili nuts, lalo na pag nakalagay pa sa shell at ako pa yung mag bubukas. Mas may challenge mas masarap.


Paborito ko rin ang laing, minsan nga ay pinapalaman ko pa to sa pandesal at mas ginaganahan pa ako kapag ako mismo ang nag kudkod at nagpiga ng niyog.


Nakakain narin ako ng pansit bato, sabayan pa ng dinuguan, ang sarap!

At syempre ang pinaka paborito ko at nagpapainit ng araw ko..ang Bicol Express to the max!

SANGKAP:

1 kilo Liempo (Ihiwalay ang taba at balat at hiwain na pa cubes)
1 Malaking Sibuyas na Puti (chopped)
2 Niyog (2 tasa ng kakang gata at 4 na tasa ng ikalawang piga)
1/4 na kilo ng siling berde o siling pang sigang (chopped)
1 kutsarang siling labuyo (chopped)
1 kutsarang luya (crushed)
1 kutsarang bagoong alamang
1/2 kutsarang chicken powder
asin at paminta


PARAAN NG PAGLUTO:

Ilagay ang taba at balat ng baboy sa kawali. Hayaang maluto hanggang sa lumabas ang sariling mantika. Ibuhos ang luya at igisa. Ilagay ang sibuyas at siling berde. Haluin muli bago ibuhos ang liempo. Lagyan ng kaunting asin at paminta. Haluin at hayaan ng ilang minuto. Ibuhos ang 4 na tasa ng ikalawang gata. Ilagay ang chicken powder at ang bagoong alamang. Haluin muli at takpan. Pakuluin sa mahinang apoy ng 2 at kalahating oras. Ibuhos ang 2 tasang kakang gata at hayaang kumulo pa ng 30 minuto. Mapapansin na nagmantika na ang gata at halos lusaw na ang mga sili. Patayin ang apoy. Ihain kasabay ng mainit na kanin.

Sarap: 5/5 - Mapapasipol ka sa sarap.
Halaga: 3/5 - Kung mahal ang liempo, pwede ang pigue o tiyan.
Preparasyon: 4/5 - Mas masarap kung ikaw mismo ang pipiga ng kakang gata.

9/11/11

Take Five! Army Navy Burger & Burrito



Kung comfort food lang naman ang pag-uusapan. Yung madaling kainin at nakakatakam, burger lang ang pumapasok sa isip ko. Noong nakarating ako sa Amerika, isa ang burger na dahilan kung bakit excited ako makatuntong sa bayan ni Uncle Sam. Limang burger store nga ang tinikman ko para lang masatisfy ang pagnanasa ko dito. Tama nga ang hinala ko, sa Amerika ko matitikman ang pinaka panalong burger sa panlasa ko. Ang In and out burger! Mahihirapan na yata ako makahanap ng katapat ng burger na 'to. Sana ay makarating din ito sa Pinas.


Kahapon ay sinubukan ko ang Army Navy, matagal ko nang naririnig ito pero hindi ko pa nasubukan. Hanggang sa nagbukas ang bagong branch nito sa Solenad 2 Nuvali Laguna, halos 9 na kilometro lang ang layo mula sa aming bahay. Kapag nasarapan ako dito, patay na naman ang budget, and dali kasing puntahan at malapit pa.



Sa unang tikim ko, sinubukan ko muna ang klasikong pagkain sa kanilang menu.


Chicken Burrito:


Hmmmm..sa unang kagat, nag-isip pa ako kung nasarapan ba ko o gutom lang ako.

Pangalawang kagat, nandun nga yung lasa ng burrito na hinahanap ko. Nagustuhan ko ang pagka juicy ng manok sa loob. Hindi man ito sing linamnam ng burrito na inaasahan ko, babalikan ko parin ito at susubukan ang pork at beef.


Cheese Quessadillas:
Tama lang ang lasa, hindi masyadong maalat ang kumbinasyon ng mga keso sa loob. Malambot ang tortilla. Ang gusto ko sa quessadillas ay yung medyo tustado at may lutong ng kaunti ang gilid at malambot ang gitna at halos nalulusaw na ang keso sa loob.


Double Burger:




Ang juicy ng burger, malinamnam at malasa. Ang sarap kagatin, nakakatakam at nakakapag laway ang hitsura nito. Sinabayan pa ng amoy ng patties nito na mapang-akit sa aking marupok na panlasa. Kaya ano pa ang magagawa ko..Obey first before I complaint.


Hindi man napantayan ng Army Burger ang paborito kong burger. Hindi naman makakaila na nag enjoy ako dito. Hindi lang ako pati nga si Gaby.
Kaya babalikan ko ito..


Balik kad!




Sarap: 4/5 – Pasulong kad!


Presentasyon: 3/5 – Liko sa kaliwa kad!


Lugar: 5/5 – Pulutong hinto!


Serbisyo: 3/5 – Tikas Pahinga!


Halaga: 4/5 - Pugay kamay!