Showing posts with label Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Pinoy. Show all posts

3/28/12

I Lost My Phone in Manhattan




I Lost My Phone in Manhattan ay isang 2012 American Romantic Action Drama Horror Indie Film ng NYPD Production. Pinagbibidahan ito ng isang sumisikat na gwapong actor na si Lloyd. Nagsimula ang pagkuha ng pelikula Noong Marso 17, hanggang Marso 24, 2012 at si Giovanni Restituto Magtibay (hindi tunay na pangalan) ang direktor ng pelikula.

PLOT

Hindi naging madali kay Fhiel na tanggapin ang balitang kailangan niyang pumunta ng New York City ng halos isang linggo. Natatakot kasi siyang mahomesick at ayaw din niyang iwan ang kanyang mag-ina ng ganoong katagal. Ngunit wala siyang magawa, parte ito ng kanyang trabaho na kailangan niyang sundin, ano man ang maging kahinatna nito.


Sabado ng umaga ng magsimula siyang mag empake ng tatlong damit. Mabigat ang loob habang isinasalansan sa isang kulay berdeng maleta ang bawat piraso. Bawat isa ay nagdudulot ng ala-ala at kalungkutan sa nalalapit na pag-alis. Nang matapos ang mahabang empake, nagpasya si Fhiel na dumeretso na ng airport. Inihatid siya ng kanyang, asawa, anak, kapatid, pinsan, kaibigan, kakilala at kapitbahay. Isang buong jeep na puno ng kaldero na may lamang kanin, adobo, menudo at piritong manok. Ilan lang kasi ito sa mga pagkaing siguradong mamimiss niya sa matagal na pagkawala.

Nang makarating ng airport, agad bumaba si Fhiel ng Jeep. Mabigat ang kanyang paa at dibdib. Halos kaladkarin niya ang bawat hakbang papalayo sa mga mahal sa buhay. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng sigaw kasabay ng iyak mula sa kanyang anak. "Waaaaaaaaaah...dadiiiiiiiiiiiiiii". Agad lumingon si Fhiel, binitawan ang dalang bag at mabilis na tumakbo palapit sa anak. Niyakap ito at nag-iyakan sila na parang walang nakakakita. Dito narin tuluyang bumagsak ang damdamin ng kanyang asawa. Tanging ingit at patak ng luwa lamang ang umalingaw-ngaw sa buong kapaligiran.


Ang sumunod na eksena ay naglalakad na si Fhiel sa kahabaan ng Manhattan. Puno ng tao ang lugar at hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling ang mga ito. Habang pumapatak ang oras ay padami ng padami ang mga tao. Hindi alam ni Fhiel kung saan siya papunta, hinahayaan niyang dalhin siya ng kanyang paa saan man ito makarating.

Isang pamilyar na tindahan ang pumukaw ng kanyang attensyon, isang malaking tindahan ng mga laruan na akala mo ay isang theme amusement park ang loob. Ang Toy's R Us at ang Disney. Muling nangilid ang luha ni Fhiel, dahil muli na naman niyang naalala ang anak na noon ay apat na araw na niyang hindi nakikita. Dahil dito ay naiisipan niyang bilhan ng pasalubong ang anak, isang mic ni Dora at ang paborito niyang si Elmo. Paglabas ay nasupresa siya nang makitang naghihintay sa labas si Elmo at sinalubong siya nito ng yakap. Parang nakakita ng artista si Fhiel na agad nag papicture kay Elmo. Mabango si Elmo, hindi tulad ng una niyang inaasahan na amoy halimaw.
















Ilang metro ang layo mula doon ay natanaw ni Fhiel ang Time Square. Bakas sa kanya ang kasabikan habang nakatingala sa mga naglalakihang building at naglalakihang TV. Inisip niya kung naka cable ba ang mga ito, at kung sino ang nagbabayad. Matagal na kasi niyang planong magpakaybol pero mahal. Namangha rin siya sa haba ng pila ng mga nagnanais manonood sa teatro, Ghost the musical at Spiderman yata ang palabas. Sa kanilang lugar kasi ay tuwing may pista lang may ganito.









Maya-maya ay ginutom si Fhiel. Sa Ruby Tuesday niya na-isipang kumain. Malaki ang lugar at puno ito ng tao. Mahal ang pagkain pero dahil libre ay okay lang. Sanay na sanay si Fhiel na kumain sa mamahaling restaurant pag libre. Sa drinks ay umorder siya ng Ultimate Patron Margarita, gawa ito sa patron Silver Tequilla na hinaluan ng O3 Orange liqueur, Grand Marnier at Fresh lime at lemon juice. Hindi niya naiintindihan ang mga hinalong ito. Pero swabe ang sarap, so refreshing ika nga... Kaya sana niyang maka-lima pero ayaw niyang malasing. Sa main dish ay umorder si Fhiel ng Chef's Sirloin Steak. Maraming choices ng side dish pero onion ring ang fries lang ang kilala niya. Laking Jollibee at Burger King kasi si Fhiel. "How do you want your steak sir?" Tanong ng waiter. "Medium well please" na pa slang ang sagot ni Fhiel. Feeling tuloy niya ay laking NYC na siya. Halos mabundat si Fhiel sa steak na kinain. Kahit kasi malaki ito ay hindi niya mapigilan ang sarili na hindi ubusin. Perstym kasi niyang nakakain ng ganoong ka juicy na steak. Yung huli kasing kinain niya ay nasunog ata, lasang uling ang labas at styrofoam naman ang loob.










Patuloy na naglakad si Fhiel. At dito ay natanaw niya ang Empire State Building. Naalala niya ang paborito niyang pelikula na Kingkong na pinag bidahan ng yumaong si Kingkong.






Ilang kilometro ay napadaan naman siya sa Madison Squre Garden na maaga pa ay marami ng nag aantay sa laban nh Knicks. Pinagkakaguluhan ang jersey ni Jeremy Lin. Karaniwan sa t-shirt o Jersey na may tatak ng pangalan niya ay nagkakahalaga ng $85 hanggang $45 depende sa kalidad. Samantala sa iba niyang teammates ay buy-one take one pa. Naiasip ni Fhiel na kung Jersey pa ni Jawo ang tinitinda, malamang ay napabili siya.





Habang patuloy sa paglakad ay isang pamilyar na lugar ang nakita niya. Ang Rockefeller Center, kung saan napansin niya ang NBC studio. Madaming reporter sa paligid, pero si Gus Abelgas lang ang kilala niya. Gusto pa nga sana siyang interbyuhin ng isang puppet na parang si Arn-arn, pero ayaw niya. Ayaw niyang mapahiya sa mga kaibigan kung ipapalabas ito sa Sesame Street news channel.














Nakakalimutan na sana ni Fhiel ang lungkot. Hanggang isang nakakagulat na pangyayari ang nagpahinto ng oras at halos nagpigil ng tibok ng puso niya. Kinapa niya ang bulsa, ibinaligtad ang dalang bag, hinubad ang sapatos..subalit wala..wala! Ang pinaka iingatan niyang celpon na Samsung Champ na 2,999Php lang ang bili niya sa Waltermart bago magpasko. Natulala si Fhiel. Bakas ang panghihinayang. Minsan lang kasi siya magkaroon ng celpon na touch screen. Ayaw na niyang bumalik sa Nokia 3210. Nangilid ang luha niya, pero kahit anong gawin niya ay hindi niya matandaan kung saan niya ito naiwan o nalaglag. Masakit na ang paa niya at hindi na niya kayang balikan ang lahat ng lugar na pinuntahan. Gusto sana niya itong ireport sa NYPD lost and found division at isa ilalim sa forensic investigation ng CSI NY. Pero huli na ang lahat..wala an ang celpon niya...

Makalipas ang ilang minuto ay nagpasya na si Fhiel na bumalik ng tinutuluyang hotel. Pero bago siya bumalik ay nagutom siya at naisipang kumain sa isang restaurant sa Plainview NY. Ang South Side. Tanging Lobster lang ang nasa isip ni Fhiel maliban sa nawawalang celpon. Perstym makakain ni Fhiel ng dalawang lobster. Halos hindi niya ito maubos at nasabi niyang " Mas masarap sana kung may kanin at nasa tabi ko ang celpon ko". Hindi parin maalis kay Fhiel ang ala-ala ng nawawalang celpon.



Pero umasa si Fhiel, na hindi man sila magkita ng nawawalng celpon. Darating ang panahon na magkakaroon ulit siya ng bago. Pero isa lang ang aral na natutunan ni Fhiel. " Mabuti na ang celpon na mura sa taong tatanga-tanga..."





THE END















10/15/11

Bicol Express to the MAX!



Hindi pa ko nakakarating sa Bicol. Pero bakit ang dami kong paboritong pagkain na galing o gawa sa Bicol. Mahilig ako sa Pili nuts, lalo na pag nakalagay pa sa shell at ako pa yung mag bubukas. Mas may challenge mas masarap.


Paborito ko rin ang laing, minsan nga ay pinapalaman ko pa to sa pandesal at mas ginaganahan pa ako kapag ako mismo ang nag kudkod at nagpiga ng niyog.


Nakakain narin ako ng pansit bato, sabayan pa ng dinuguan, ang sarap!

At syempre ang pinaka paborito ko at nagpapainit ng araw ko..ang Bicol Express to the max!

SANGKAP:

1 kilo Liempo (Ihiwalay ang taba at balat at hiwain na pa cubes)
1 Malaking Sibuyas na Puti (chopped)
2 Niyog (2 tasa ng kakang gata at 4 na tasa ng ikalawang piga)
1/4 na kilo ng siling berde o siling pang sigang (chopped)
1 kutsarang siling labuyo (chopped)
1 kutsarang luya (crushed)
1 kutsarang bagoong alamang
1/2 kutsarang chicken powder
asin at paminta


PARAAN NG PAGLUTO:

Ilagay ang taba at balat ng baboy sa kawali. Hayaang maluto hanggang sa lumabas ang sariling mantika. Ibuhos ang luya at igisa. Ilagay ang sibuyas at siling berde. Haluin muli bago ibuhos ang liempo. Lagyan ng kaunting asin at paminta. Haluin at hayaan ng ilang minuto. Ibuhos ang 4 na tasa ng ikalawang gata. Ilagay ang chicken powder at ang bagoong alamang. Haluin muli at takpan. Pakuluin sa mahinang apoy ng 2 at kalahating oras. Ibuhos ang 2 tasang kakang gata at hayaang kumulo pa ng 30 minuto. Mapapansin na nagmantika na ang gata at halos lusaw na ang mga sili. Patayin ang apoy. Ihain kasabay ng mainit na kanin.

Sarap: 5/5 - Mapapasipol ka sa sarap.
Halaga: 3/5 - Kung mahal ang liempo, pwede ang pigue o tiyan.
Preparasyon: 4/5 - Mas masarap kung ikaw mismo ang pipiga ng kakang gata.

8/23/11

Pocherong Bulalo










Isang gabi, bigla ko nalang napagtanto na sa tagal pala ng pagsasama namin ni Grace ay isang beses pa lang niya akong pinagluto, at iyon ay noong girlfriend ko pa lang siya. Hindi ko makakalimutan ang putaheng iyon. Spaghetti espesyal..ala ketchup. Teknikali, may kulang o sobra sa timpla ng spaghetti niya. Pero personali, maniwala man siya o hindi iyon ang pinakamasarap na spaghetting natikman ko at hanggang ngayon inaasam ko parin na muling matitikman...



Noong nakatira pa kami sa bahay ng aking magulang sa bulacan, madalas niyang i-alibi na ayaw niyang magluto dahil nahihiya siya sa nanay ko at baka hindi masarap ang kalabasan nito. Pero ngayon na may sarili na kaming bahay dito sa laguna.... hmmmm..parang nakalimutan na nya ang pangako niya. Kaya hinamon ko siya isang gabi.



Lloyd: Bi, hanggang ngayon hinde mo pa ko pinagluluto. Hindi ba sabi mo pag tayo na lang sa bahay, ikaw na magluluto?


Grace: (natulala..nabigala...nagulat) Ah e..oo nga..o sige, ako magluluto bukas..ano ba gusto mong ulam?


Lloyd: Pochero...(ngiting parang kontrabida sa teleserye)


Grace: (Napalunok)


Lloyd: Baka...pocherong baka!


Grace: (Nanmilog ang mata) May ashuete ba yun?



Hindi ko rin natiis ang asawa ko. Kinabukasan, namili ako ng putahe at as uswal ako parin ang hari ng kusina. Sa susunod nga ay hindi na ako bibili ng sandok at kawaling kulay blue, para naman unisex na ang gamit sa kusina at pwede narin niyang gamitin in the future!



SANGKAP:


1/2 kilo Bulalo (baka)


1 pirasong mais (hiniwa na dalawang pulgada ang kapal)


1 pirasong kamote


3 pirasong saging na saba


5 dahon ng pechay baguio


10 pirasong baguio beans


1 sibuyas


2 pirasong bawang


1 kamatis


5 table spoon Tomato sauce


Patis


Asin at Paminta



PARAAN NG PAGLUTO:



Palambutin ang bulalo sa isang litro ng tubig kasama ang asin, paminta, at sibuyas. Sa unang kulo ay ihulog ang kamote. Hayaang kumulo hanggang lumambot ng 1 1/2 hanggang 2 oras. Hanguin ang kamote, durigin at lamasin. Muling ihalo sa bulalo. Isunod ihulog ang mais at hayaang kumulo ng 15 minuto pa bago patayin ang apoy.



Sa isang kawali, ipirito ang saging na saba sa kaunting mantika. Hintayin hanggang maging golden brown ang kulay at itabi. Igisa sa ang bawang at sibuyas. Ilagay ang bulalo, haluin ng marahan, huwag hayaang madurug ang laman. Timplahan ng patis, at paminta. Ibuhos ang tomato sauce at ang sabaw mula sa pinakuluang bulalo. Ilagay ang pechay at baguio beans. Pakuluin ng limang minuto. Patayin ang apoy at ihulog ang mais at ang saging na saba. Ihain kapartner ang patis, kalamansi at bagong saing na kanin.



Sarap: 5/5 - Sulit ang pagod, nanunuot ang sarap hanggang buto.


Halaga: 2/5 - Mahirap humanap ng bulalo na hindi bababa sa dalawang kilo.


Preparasyon: 4/5 - Hindi na kailangan ang achuete.